Muling pinaigting ni PNP Chief Nartatez kontra droga
MALAKING dagok na naman sa mga sindikato ng droga itong muling pagkumpas ni Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr sa lahat ng kapulisan sa buong bansa laban sa malaganap na illegal na operasyon ng droga. Kasi nga nitong nakalipas lamang na araw aba’y, nakaiskor ang mga kapulisan ng halos P22 milyong halaga ng droga at marijuana at nakaaresto ng isang High-Value Individual (HVI) sa magkakahiwalay na lugar. Ayon sa impormasyong ipinukol satin mga suki, humigit-kumulang sa 94,500 fully grown marijuana plants na tinatayang P18.9 milyon ang halaga ang nadiskubre sa isang liblib na lugar sa may Tinglayan, Kalinga. Bagamat walang inabutan ang mga raiding team ng PNP, malaking kabawasan ito sa suplay ng mga ‘adik’. Di ba mga suki?
Paano ba naman, agad na pinagbubunot ang mga marijuana plants at sinunog ang mga ito upang hindi na mapakinabangan ng sindikato. Subalit hindi tumitigil ang mga kapulisan sa paghahanap sa mga sangkot sa naturang plantasyon dahil malaki ang hinala rito na nasa paligid lang ang may pakana o maintainer sa naturang plantasyon.
Samantala, sa Ditsaan Ramain, Lanao del Sur, naaresto sa isang buy-bust operation ang isang hinihinalang high-value drug suspect matapos na makumpiskahan ng nasa 466 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.16 milyon. Ang matindi rito, muntik na nalagay sa peligro ang buhay ng mga kapulisan dahil armado ang mga suspek ng mataas na kalibre ng baril. Nang magkaroon ng komprontasyon agad na nagpaputok ang isang kasamahan nito sa operatiba na agad namang gumanti ng putok ang mga kapulisan na nagresuta sa pagkasugat sa gunman na kalaunan ay idineklarang patay sa ospital.
Ilan lamang itong mga report na naibahagi satin dahil sa totoo lang walang patid ang pakikipagdigma ng mga kapulisan kontra sa mga illegal drugs syndicate na naglulungga sa bansa. Kaya naman alinsunod sa PNP Focused Agenda ni PNP chief Nartatez Jr., partikular sa Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong paigtingin ang Intelligence-Driven operation laban sa illegal na droga at sa iba’t ibang kriminalidad sa bansa. Ayon pa kay Nartatez, titiyakin niya na ang PNP ay walang humpay na tatalima sa kampanya laban sa illegal na droga upang mapanatiling ligtas ang mga kumunidad at mapanagot ang mga lumalabag sa batas. Kaya’t ang panawagan ng sambayanan, “tumigil na kayo sa pagtangkilik ng mga illegal na droga”! Get nyo mga suki!
- Latest















