^

PSN Opinyon

Kapangyarihan ang pinag-aagawan, Bayan ang naiiwan

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

SA totoo lang, nakakapagod nang panoorin ang walang katapusang bangayan ng mga pulitiko. Habang abala sila sa pagpapalitan ng akusasyon, pagsisihan, at pagpapataasan ng ihi, ang karaniwang Pilipino ay abala namang maghanap ng pambili ng bigas, pambayad sa kuryente, at pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Kung may naniniwalang may tunay na panalo sa impeachment na ito, baka panahon nang tingnan ang realidad. Dahil sa mata ng taumbayan, wala namang lumalabas na panalo. Ang siguradong talo ay ang Pilipinas.

Oo, karapatan ng Kongreso at Senado na isagawa ang impeachment kapag may sapat na batayan. Nasa Saligang Batas iyan. Ngunit ang tanong ng marami, ito ba ay talagang paghahanap ng pananagutan o isa na namang bakbakan para sa kapangyarihan?

Habang milyun-milyong piso ang ginugugol sa mga pagdinig, debate, at iba’t ibang preparasyon, nananatiling na­katu­nganga ang maraming Pilipino sa tanong kung kailan ba talaga aaksyunan ang mas mabibigat na problema—ang pagtaas ng presyo ng bilihin, kakulangan ng disenteng trabaho, lumo­lobong utang ng bansa, kriminalidad, at serbisyong gobyernong madalas ay napakabagal.

Hindi maiiwasang isipin ng publiko na baka ang impeachment ay nagsisilbi ring makapal na usok upang matabunan ang mga kapalpakan ng mga nasa kapangyarihan. Habang nakatutok ang kamera sa bulwagan ng Senado, tila nawawala sa eksena ang mga usaping mas direktang sumasakal sa sikmura ng bawat Pilipino.

Mas masaklap pa, ang politika sa Pilipinas ay tila naging­ teleserye. May bida, may kontrabida, may mga umiiyak sa harap ng kamera, may mga galit na galit sa mikropono, at may mga biglang nagiging magkakampi kapag pabor sa kanilang interes. Ang kaibahan lang, ang producer ng palabas na ito ay ang buwis ng taumbayan.

Sa bandang huli, maaaring may isang kampo na mag­bunyi at magsabing “nanalo kami.” Maaari ring may kabilang panig na magdeklara na sila ang biktima. Pero ano ang ma­papala ng ordinaryong Pilipino? Bababa ba ang presyo ng pagkain? Darami ba ang trabaho? Bibilis ba ang serbisyo ng gobyerno? Mawawala ba ang korapsyon?

Kung “hindi” ang sagot sa mga tanong na iyan, mahirap tawaging tagumpay ang anumang magiging resulta.

Hindi kailangan ng Pilipinas ng mas marami pang palabas. Ang kailangan ng bayan ay mga lider na inuuna ang trabaho kaysa drama, serbisyo kaysa siraan, at solusyon kaysa politika.

Dahil kapag natapos ang impeachment at wala pa ring nagbago sa buhay ng mga Pilipino, malinaw ang hatol ng kasaysayan—hindi isang tao ang natalo, kundi isang buong bansa ang muling napag-iwanan.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang komentaryo na nag­papahayag ng personal na pananaw ng may-akda batay sa mga pampublikong isyu. Hindi ito naglalayong humusga sa sinuman o impluwensiyahan ang anumang legal at konstitusyonal na proseso. Hinihikayat ang bawat mambabasa na suriin ang iba’t ibang pananaw at bumuo ng sariling opinyon batay sa mga katotohanan at mapagkakatiwalaang impormasyon.

POLITICS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with