Pagkuha ng Postal ID ‘di na pahirapan
Isa ang Postal ID sa mga ikinokonsiderang valid ID sa pag-claim ng mga parcel, documents, remittances at kung anu-ano pa. Kaya naman marami ang natuwa sa desisyon ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na hindi na requirement ang government ID upang makakuha Postal ID. Talaga namang magandang balita ito.
Marami kasi sa ating mga kababayan na nangangailangan ng ID pero hinahanapan ng government ID. Eh, paano nga naman kung wala kang anumang government ID na maipapakita para makakuha ng Postal ID.
Sinabi ng PHLPost sa ilalim ng panunungkulan ni Postmaster General at Chief Executive Officer Maximo C. Sta. Maria III na maaari nang magsumite ng Birth Certificate, Barangay Certificate at Postal ID Application Form ang mga first-time na kukuha ng postal ID. Hindi lang ‘yan. Kung walang maipakitang birth certificate o barangay certificate, pwede naman ang proof of address tulad ng pinakahuling bayarin sa kuryente, tubig, internet, o iba pang utility bill basta sa aplikante nakapangalan.
Ang aksiyon na ito ng PHLPost ay pagpapagaan at pagpapadali ng buhay ng mga Pinoy lalo na ang mga naghahanap ng trabaho at mga may remittances.
Malaking tulong din ito sa mga senior citizens, solo parents, persons with disabilities (PWDs), at mga mamamayang nasa malalayong komunidad na may limitadong access sa iba pang uri ng pagkakakilanlan.
Mas kinikilala rin ang Postal ID sa mga private at public transactions, sa pagbubukas ng bank account at pag-aapply ng pasaporte.
Sana lahat ng government agencies pinadadali ang mga requirements at hindi na pinapipila ng pagkahaba-haba. Tiyak na dadagsain na ngayon ang PHLPost ng mga aplikante. Mabuhay kayo PHLPost!
- Latest















