OFW nagpapabuntis: P1 milyon ang kapalit
Talagang nakababahala ang mga ulat tungkol sa ilang overseas Filipino worker, lalo na ang mga nagtatrabaho sa Hong Kong, na naaakit sa alok na maging surrogate mother kapalit ng napakalaking halaga ng pera.
Umaabot pa umano sa halos isang milyong piso ang ipinapangakong kabayaran sa isang babae na papayag na magbuntis para sa ibang tao o mag-asawang hindi magkaanak. Para sa isang OFW na maraming obligasyong pinansiyal at may pamilyang umaasa sa kanyang padala, napakahirap tanggihan ang ganitong alok.
Sa surrogacy, ang isang babae ang nagdadala ng pagbubuntis at nagsisilang ng sanggol para sa ibang tao. Sa mas karaniwang uri nito ngayon, ang embryo na nabuo sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF) ay inililipat sa matris ng surrogate. Ibig sabihin, hindi siya ang genetic na ina ng bata. Mayroon ding tinatawag na traditional surrogacy, ngunit mas bihira na itong ginagawa dahil sa masalimuot na usaping legal at etikal.
Hindi lahat ng bansa ay pare-pareho ang patakaran hinggil dito. May mga bansang pinapayagan ang surrogacy ngunit mahigpit ang regulasyon. Sa iba naman, ipinagbabawal ang commercial surrogacy o ang pagbabayad sa isang babae kapalit ng pagbubuntis. Sa Pilipinas, wala ring malinaw na batas na nagpapahintulot at nagreregula sa commercial surrogacy. Sa Hong Kong naman, ipinagbabawal na pagkakitaan ang surrogacy at may mabibigat na parusa sa mga sangkot sa ilegal na operasyon.
Dito pumapasok ang panganib. Dahil ipinagbabawal o mahigpit na nililimitahan ang ganitong gawain sa maraming bansa, gumagamit ang ilang sindikato ng iba’t ibang paraan upang mailabas ang mga babaeng papayag maging surrogate. Minsan, dinadala sila sa bansang mas maluwag sa surrogacy o sa lugar kung saan lihim na isinasagawa ang operasyon. Doon sila pinatitira habang hinihintay ang kanilang panganganak.
Subalit kapag nasa banyagang bansa na sila, roon nagsisimulang lumabas ang tunay na problema.
May mga recruiter o kliyente nito ang hindi tumutupad sa kanilang pangako. Hindi binabayaran ang surrogate OFW kapag pangit, may kapansanan, o kondisyong medical ang isinilang na sanggol. Nalagay sa alanganin ang nanganak na Pinay dahil iligal ang katayuan niya sa bansang pinagdalhan sa kanya.
Noong 2024, naging malaking balita ang pagkakaaresto sa 13 Pilipina sa Cambodia dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang ilegal na surrogacy operation.
Mapanganib din ito sa kalusugan. Ang pagbubuntis ay hindi simpleng trabaho lamang. Kaakibat nito ang posibilidad ng pagdurugo, impeksiyon, mataas na presyon ng dugo, gestational diabetes, komplikasyon sa panganganak at maging panganib sa buhay ng ina. Bukod pa rito ang mabigat na emosyonal na epekto ng pagdadala sa sinapupunan ng isang sanggol na pagkatapos isilang ay agad ding ihihiwalay sa kanya.
Maaaring mayroon ding mga kasong natutupad ang kasunduan at nababayaran ang surrogate mother. Ngunit ang mga ito ay bihirang lumabas sa publiko dahil isinasagawa nang lihim. Ang napapabalita ay yaong mga Pilipina na niloko, hindi binayaran, inabuso, naaresto at ikinulong sa ibang bansa.
Lubhang kumplikado ang sitwasyon ng mga OFW na hindi nabayaran matapos maging surrogate mother. Paano sila maghahabol sa isang kontratang mula’t sapul ay labag sa batas? Kanino sila lalapit kung ang mismong operasyon ay iligal at wala silang legal na papeles sa pananatili sa ibang bansa? Sa huli, ang ipinangakong isang milyong piso ay nauuwi sa wala, habang ang mga recruiter at sindikatong nasa likod ng operasyon ang siyang patuloy na kumikita.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest



















