Sen. Robin Padilla, walang puwang sa gobyerno ang komunista!
NAGULANTANG ang sambayanang Pilipino sa tahasang pag-amin ni Senator-Judge Robinhood “Robin” Padilla na isa siyang “komunista” sa mismong Senate impeachment trial laban sa kapanalig na si Vice President Sara Duterte.
Hindi man lang nagpatumpik-tumpik at nag-isip ang Senador nang tahasang ipinagmalaki sa plenaryo ng Senado na isa siyang komunista sa gitna ng isinagawang pagtatanong sa testigo ng prosekusyon na si National Bureau of Investigation (NBI) regional director Jeremy Lotoc kasabay sa pagtalakay sa Oplan “Romanov”.
Kaya naman, tampulan na naman si Robin ng pagbanat at pagkutya sa social media habang ang mga DDS naman ay patuloy siyang iniidolo at pinupuri.
Agad na umalma si dating DILG Sec. Rafael Alunan sa pag-amin ng Senador na isa siyang komunista at sinabing walang puwang ang mga komunista sa gobyerno.
Sabi ni Alunan, dapat nang mapatalsik si Padilla bilang senador at tanggalin din bilang reservist ng Philippine Army dahil isa siyang kalaban ng estado.
Nasa “hot water” din si Padilla sa hanay ng militar matapos iutos ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. na silipin na ang rekord nito bilang Army Captain reservist.
Matapos ang kontrobersyal na pahayag ng Senador, agad siyang kumambyo at sa kanyang social media account, nilinaw nito na ang kanyang tinutukoy na pagiging communist ay hindi sa mga bayolenteng armed communist movement.
Naalala ko tuloy ang February 2022 presidential debate, kung saan binigyang diin ng presidential aspirant at ngayo’y Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang mga komunistang rebelde ay kalaban ng estado dahil sa simpleng dahilan na nagdadala sila ng pinsala at karahasan sa mga tao.
Bumida uli si idol Robin sa kanyang “communist” issue, kaya naman dapat magkonting ingat na siya sa pahayag. ‘Wag kuda nang kuda, kung hindi naman agad maipapaliwanag sa publiko ang ibig sabihin ng salitang komunista na sa isip ng nakararami ay kalaban ito ng estado.
- Latest


















