‘Unggoy na ba tayo?!’
Isang AI-generated video ng China Daily ang nagpakita ng Pilipino bilang unggoy na pinakakanta ng mga banyagang kamay at tinira ng water cannon. Para sa marami, ito ay hindi lamang propaganda kundi isang tahasang paglapastangan sa lahi. Mabilis na kumilos ang DFA, naghain ng diplomatic protest at tinawag itong racist at dehumanizing.
Maraming senador ang nagalit. Sens. Risa Hontiveros, Juan Miguel Zubiri, Francis Pangilinan, at Panfilo Lacson ay humiling ng public apology mula Beijing. Para sa kanila, hindi biro ang insulto kundi ito ay pambansang kahihiyan na dapat sagutin ng matapang.
Sa gitna ng galit, lumutang ang kakaibang pananaw ni Sen. Robin Padilla. Ayon sa kanya, “aren’t we all monkeys of different colors in the eyes of white colonizers/supremacists?” Para kay Padilla, tila hindi dapat masyadong palakihin ang video. Sa halip, sinisi pa niya ang transparency initiative ng Philippine Coast Guard na umano’y nagpasimula ng propaganda war. Ang kanyang tono ay nagbigay ng impresyon na tinanggap ang insulto bilang bahagi ng mas malawak na kasaysayan ng kolonyalismo.
Hindi ito pinalampas ni PCG spokesperson Jay Tarriela. Aniya, “bilang Pilipino, hindi ko kailanman tatanggapin na unggoy ang aking lahi.” Para kay Tarriela, hindi ito usapin ng pananaw ng mga white supremacists kundi ng mismong Chinese government na gumawa ng video. Iginiit niyang ang PCG transparency ay hindi propaganda kundi ebidensya ng Chinese aggression. Tinawag pa niyang insulto sa 26 milyong bumoto kay Padilla ang pagtanggap na “unggoy tayo.”
Teka! Paano natin ipagtatanggol ang ating lahi kung mismong mga lider ay hati sa pagbasa ng insulto? Ang video ng China Daily ay nagbukas ng sugat, ngunit ang sagutan nina Padilla at Tarriela ang nagpakita ng lalim ng hamon na dapat tayong nagkakaisa sa harap ng pagyurak sa dangal ng Pinoy.
- Latest




















