^

PSN Opinyon

EDITORYAL— Kaalyado, kailangan ng Pilipinas

Pilipino Star Ngayon

MAS lumalim pa ang ugnayang militar ng Pilipinas at Japan matapos ipatupad noong Agosto 22 ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA), isang kasunduang nagbibigay-daan sa sandatahang lakas ng dalawang bansa na magpalitan ng logistical support sa kanilang mga aktibidad.

Sa ilalim nito, maaaring magbigay ang magkabilang panig ng fuel, pagkain, tubig, transportasyon, maintenance, communications, storage at iba pang serbisyo. Maaari rin itong gamitin sa joint exercises at ­humanitarian at disaster response operations.

Hindi ito mutual defense treaty. Pero isa itong mahalagang hakbang sa mabilis na lumalalim na defense partnership ng Pilipinas at Japan.

Mayroon na ring Reciprocal Access Agreement o RAA na nagpapahintulot sa kanilang mga puwersa na magsagawa ng cooperative activities sa teritoryo ng isa’t isa.

Nagbibigay naman ngayon ang ACSA ng logistical framework para mas madaling ­maisagawa ang mga aktibidad na iyon.

May malinaw na dahilan kung bakit ­kailangan ng Pilipinas ang ganitong partnership.

Patuloy ang tensiyon sa West Philippine Sea, kung saan may matagal nang sigalot ang Pilipinas at China.

Ang Japan naman ay may sariling maritime dispute sa China sa East China Sea. Pareho ring naninindigan ang Pilipinas at Japan sa freedom of navigation at pagsunod sa international law.

Sa ganitong sitwasyon, makatuwirang magkaroon ang Pilipinas ng mga kakampi na makatutulong sa pagpapalakas ng depensa at isa nga rito ang Japan.

Pero dapat malinaw din ang layunin: ang partnership ay dapat nagpapalakas sa kakayahan ng Pilipinas, hindi lumilikha ng permanenteng pagdepende sa ibang bansa.

Malaki na ang naitutulong ng Japan. Nagbigay ito ng patrol vessels, radar systems at training support sa AFP. May P350-milyon ding security assistance para sa mga pasilidad na magpapahusay sa maritime capabilities ng Philippine Navy.

Magandang tulong ang mga ito, pero dapat sabayan ng sariling investment sa kagamitan, teknolohiya, intelligence, personnel at defense industry.

Ang bawat defense agreement ay dapat magpalakas sa kakayahan ng Pilipinas na tumayo sa sariling paa, hindi gawing mas dependent sa ibang bansa. Kaalyado ang kailangan ng Pilipinas, hindi permanenteng sandalan.

ACSA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with