^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Nararapat na handa ang mga bata

Pilipino Star Ngayon

Ngayong linggo, nagsimula nang magsa­gawa ng active shooter drills ang ilang pa­aralan sa bansa. Ang mga drill na ito ay bahagi ng paghahanda ng Department of Education matapos ang madugong insidente sa San Jose National High School sa Tacloban City. Kasama­ sa plano ang lockdown, lockout, evacuation, emer­gency reporting, at koordinasyon sa pu­lisya, barangay, local government, at iba pang responders.

Maiintindihan ang dahilan. Walang magulang­ ang dapat magpadala ng anak sa paaralan nang may pangamba kung ligtas pa ba itong makauuwi. Walang guro ang dapat pumasok sa classroom na walang alam kung ano ang ga­gawin kapag may biglaang banta.

Pero sa kagustuhang maghanda, kailangang­ maging malinaw ang paalala: ang drill ay hindi dapat maging trauma.

Hindi mali ang paghahanda. Kailangan ng bawat paaralan ng malinaw na plano kapag may panganib. Pero ang layunin dapat ng drill ay hindi iparamdam sa estudyante na mamamatay sila. Ang layunin nito ay turuan siyang kumilos nang kalmado kapag may emergency.

Lalong dapat mag-ingat sa mas batang es­tud­­yante. Hindi pareho ang pag-intindi ng Grade 1 sa pag-intindi ng senior high school. Dapat ding isipin ang mga batang mayroong trauma, nakaranas ng karahasan sa bahay, na-bully, may anxiety, o may ibang mental health concern. Kaya dapat may guidance counselor o trained personnel na nakaantabay bago, habang, at pag­­­katapos ng drill. Dapat may karapatan ding mag-opt out ang batang may seryosong dahi­lan­, sa pahintulot ng magulang o guardian.

Mahalaga rin ang paunang abiso. Hindi dapat gulatin ang estudyante, guro, at magulang. Kung may drill, sabihin kung kailan ito gaganapin, ano ang mangyayari. Dapat malinaw na practice lamang ito. Pagkatapos, dapat may debriefing: ano ang natutunan, ano ang dapat ayusin, sino ang natakot, at sino ang dapat kausapin.

At higit sa lahat, hindi sapat ang drill kung walang prevention. Kung ang problema ay school violence, kailangang seryosohin ang bullying, online threats, mental health, access sa armas, at mga batang nagpapakita ng matinding galit o distress. Dapat may safe reporting system kung saan puwedeng magsumbong ang estudyante nang hindi natatakot na mapahiya o mapaha­mak ang kapwa bata. Dapat may guidance coun­selors na may oras at kakayahang kumilos bago pa lumala ang sitwasyon.

Ang paaralan ay hindi dapat magmukhang kampo o kaya’y crime scene. Dapat manatili itong lugar ng pagkatuto, tiwala, at pag-aalaga. Nararapat na handa ang mga bata. Pero hindi rin naman sila dapat palakihin sa takot.

DRILLS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with