SJI-Bacolod tuloy ang ratsada sa SJNI

MANILA, Philippines — Sinandalan ng St. John’s Institute-Bacolod ang nagliliyab na laro ni Caera Celis upang payukuin ang Pusong Azul, 25-20, 25-17, kahapon sa 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals na nilaro sa Playtime FilOil Arena sa San Juan.
Dominado ng SJI-Bacolod ang laro para manatiling malinis ang kanilang karta sa dalawang laro sa event na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R and B Milk Tea.
Nirehistro ni Celis ang 16 points kasama ang 12 kills, tatlong service aces at isang block para sa Falcons na ayon sa kanya ay mas naging maganda ang kanilang laro kumpara sa unang laban kung saan ay tinalo nila ang One La Salle.
“Bumawi kami ngayon,” sabi ni Celis, “We prepared last night kasi may lapses talaga sa last game namin. We tried to improve on our skills today,” dagdag pa ni Celis.
Nag-ambag si Kara Feril ng nine markers habang pitong excellent sets ang tinipa ni Mishaella Geraldizo para sa SJI-Bacolod na lumalakas ang tsansa na masilo ang titulo sa tournament na suportado ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
- Latest





















