Welcome home Alex!

MANILA, Philippines — Mainit na sinalubong si Pinay tennis sensation Alex Eala ng kanyang mga kababayan sa pagbabalik niya sa bansa kahapon.
Pinagkaguluhan ang 21-anyos na tennis ace sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City.
Nanggaling si Eala sa makasaysayang kampanya sa prestihiyosong 2026 Wimbledon Championships sa London kung saan siya natalo kay Jasmine Paolini ng Italy, 4-6, 6-4, 3-6, sa fourth round.
Nailista na sa Philippine tennis history ang nasabing paglalaro ni Eala sa fourth round ng Wimbledon at naging unang Pinay netter na nabigyan ng tiket sa isang Grand Slam tournament.
Sa paglalakad niya sa international arrivals area kung saan tumutugtog ang arts group Banda Kawayan ng Pilipinas ay hindi naitago ni Eala ang kanyang kasiyahan bukod sa nakitang isang welcome message sa LED screen.
“Maraming salamat po,” sambit ni Eala na sinalubong nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick Gregorio, Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino at Philippine Lawn Tennis Association (Philta) Secretary General John Rey Tiangco.
Saglit siyang huminto sa paglalakad para pumirma ng ilang tennis balls na dala ng kanyang mga fans na nagwawagayway ng Philippine flag at tarpaulin.
Hindi man maglalaro ay magiging abala pa rin ang 33rd Southeast Asian Games women’s singles gold medalist dahil sa ilang brand at sponsor engagements ngayong linggo.
Magkakaroon din siya ng meet-and-greet para sa kanyang mga fans sa Miyerkules sa Glorietta Activity Center sa Makati City.
Matapos ang mga aktibidad sa bansa ay babalik si Eala sa United States para maglaro sa US Open sa susunod na buwan sa pagsisimula ng kanyang hard court campaign.
Gumawa ng eksena ang Pinay sports hero sa Wimbledon matapos sibakin si Mexican Renata Zarazua, 6-1, 6-2, sa first round bago isinunod si Maya Joint ng Australia, 3-6, 6-2, 6-0, papasok sa second round.
Ginulat at sinibak ni Eala sa third round si 2025 champion at World No. 3 Iga Swiatek, 7-6 (9), 6-2, para sumampa sa makasaysayang fourth round stint.
- Latest


















