EDITORYAL - Ang Batanes ay Pilipinas
HINDI dapat palampasin ang pahayag ng ilang Chinese scholars sa isang symposium sa Jinan University sa Guangzhou, China noong Hunyo 30, kung saan iginiit umano nila na ang Batanes ay bahagi ng China dahil ito raw ay natural na ekstensiyon ng Taiwan. Maaaring hindi ito opisyal na posisyon ng Beijing, gaya ng paglilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA), pero hindi ibig sabihin ay walang saysay ang ganitong uri ng claim.
Sa panahon ngayon, hindi lamang barko, armas, o mapa ang ginagamit sa pag-angkin sa teritoryo. Ginagamit din ang akademya, symposium, lumang kasaysayan, at piling interpretasyon ng geography para magtanim ng duda. Kapag inulit-ulit ang maling narrative, puwede itong gawing dahilan sa susunod na mas agresibong hakbang.
Kaya tama ang naging tugon ng National Historical Commission of the Philippines, DFA, Department of National Defense, at mga opisyal ng Batanes: ang Batanes ay Pilipinas. Hindi ito bukas sa debate. Hindi ito footnote ng Taiwan. Hindi ito teritoryong puwedeng basta iguhit muli sa mapa ng ibang bansa.
May sariling kasaysayan ang Batanes. May sariling kultura ang Ivatan. May sariling buhay, alaala, sakripisyo, at pagkakakilanlan ang mga taong matagal nang naninirahan doon. Hindi puwedeng burahin ang lahat ng iyon dahil lamang may ilang banyagang iskolar na gustong magpilit ng bagong naratibo.
Ang claim na ito ay insulto hindi lamang sa soberanya ng Pilipinas, kundi sa mga Ivatan mismo. Hindi sila abstract na populasyon sa isang geopolitical argument. Sila ay mga Pilipino. Bumoboto sila bilang Pilipino, namumuhay sa ilalim ng batas ng Pilipinas, at matagal nang bahagi ng ating pambansang kasaysayan.
Mahalagang maging mahinahon ang bansa. Hindi kailangang mag-panic sa bawat walang-basehang pahayag. Pero hindi rin dapat maging kampante. Ang West Philippine Sea ay patunay na ang mga claim na dati ay tila malayo o katawa-tawa ay maaaring gamitin kalaunan para bigyang-katwiran ang presensiya, patrol, o panghihimasok.
Kaya ang sagot ng Pilipinas ay dapat matatag at malinaw: depensahan ang Batanes sa pamamagitan ng kasaysayan, batas, diplomasya, at aktuwal na presensya ng gobyerno. Palakasin ang serbisyo sa mga Ivatan. Palakasin ang coast guard at military patrols. Palakasin ang international support. At higit sa lahat, huwag hayaang malason ng propaganda ang katotohanan.
Hindi porke isinulat sa symposium ay nagiging kasaysayan. Hindi porke malapit sa Taiwan ay nawawala ang pagka-Pilipino ng Batanes.
Ang Batanes ay tahanan ng mga Ivatan. At ang Batanes ay Pilipinas.
- Latest

















