Extension sa PNP dapat matigil
Dapat nang matigil sa Philippine National Police (PNP) ang extension ng mga opisyal na magreretiro para naman mabigyan ng pagkakataon ang ibang opisyal na makapuwesto.
Ang pagbibigay ng extension sa mga opisyal ay balakid at pagharang sa kinabukasan ng mga opisyal.
Kumbaga eh pinipigilan mo ang ibang opisyal na umangat at ipakita ang kanilang kakayahan.
Tulad sa kaso ni CALABARZON Police Chief Brig. Gen. Hansel Marantan, hiniling ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa National Police Commission (Napolcom) ang 1 year extension nito. Mismong si Remulla pa!
Aminin man o hindi ni Marantan, masaya siya at may backer siya para pamunuan pa ang CALABARZON.
Oo, magaling si Marantan pero wala na bang magaling na PNP official? Wala na bang pwedeng pumalit sa kanya sakaling bakantehin ang CALABARZON?
Maraming PNP officials ang maaaring ipuwesto sa mga crucial na posisyon pero hindi naipatutupad dahil hindi malapit sa “kusina”.
Ang pagpupuwesto sa mga opisyal ay dapat na ibase sa galing at kakayahan at hindi dahil sa koneksiyon.
Kung irekomenda sa extension maaari naman itong tanggihan na may pagpapakumbaba at tiwala sa susunod na ipupuwesto.
Sa mga PNP officials na nagreretiro, kadalasang naipupuwesto naman ito sa gobyerno kaya hindi kailangan na maging kapit tuko sa puwesto.
Kasi, bukod sa komento, akusasyon ng kanyang mga kasamahan nagdudulot din ng demoralisasyon ang extension.
Pairalin ng PNP ang kanilang prinsipyo at kredibilidad. Huwag naman maging sakim sa puwesto.
- Latest
















