‘13’ ng majority bloc, unti-unting nalalagas!
Habang puspusan ang paghahanap ng mga awtoridad sa itinuturing na “fugitive” ng International Criminal Court (ICC) na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, mabilis ang pagkilos ng Office of the Ombudsman para masampahan ng kaso ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects kabilang ang ilang Senador mula sa mayorya at iba pang personalidad.
Nitong Hunyo 1, 2026, naglabas na nga ang Sandiganbayan Fifth Division ng warrant of arrest laban kay Senator Jinggoy Estrada sa kasong plunder na may kinalaman sa P573-milyong flood control scam nang makitaan ng “probable cause” ang kaso. Kasama ni Jinggoy sa mga akusado sina dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, DPWH-NCR Assy. District Engrs. Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan at Arturo Lombres Gonzales, Jr.
Bago maipatupad ang arrest warrant ng Sandiganbayan, inunahan na ito ni Jinggoy at inihayag na kusa siyang susuko sa awtoridad at agad nakipag-ugnayan kay DILG Sec. Jonvic Remulla.
Bago arestuhin si Jinggoy ng mga operatiba ng PNP-CIDG, nag-iwan siya ng matalim na pahayag at akusasyon sa pagharap niya sa media. Ibinunyag nito na makailang beses na raw siyang inalok para talikuran na ang “independent majority bloc” kapalit ng pagbura sa kanyang mga kaso.
Iginiit pa ni Estrada, hindi siya magpapadala sa anumang pressure at pananakot. Pero hindi nito isinapubliko ang sinasabi niyang nag-alok sa kanya na tila pinapatungkol ay mula sa administrasyon.
Dahil sa pagseselda kay Estrada, dalawa na ang malalagas sa majority bloc na may 13 miyembro. Bukod kina Bato at Jinggoy, ilan pa sa kanilang mga kasamahan ang sinasangkot din sa budget insertions at flood control mess.
Kung magpapatuloy ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman sa mga Senador na dawit sa nasabing mga kaso, tiyak namang uusad na ang panibagong “kudeta” sa Senado na itinutulak ng “Solid Minority 11” at nanganganib ang posisyon ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Inaasahang makakaapekto rin sa nalalapit na impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte ang pagkalagas ng kanyang mga kakamping Senador sa gagawing paghuhusga at botohan para sagipin ang bise presidente.
- Latest















