Mga akusadong mandarambong: ‘Political persecution’ ang palusot
May bagong paboritong depensa ang mga politikong may kaliwa’t kanang kaso: “political persecution.”
Sino-sino sila? Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta. Apollo Quiboloy. Ang puganteng si Bato dela Rosa. Alan Peter at Pia Cayetano. Ang nagtatago sa abroad na si Harry Roque. Ang naka-medical leave na umano sina Loren Legarda at ang anak na si Leandro Leviste. At siyempre, si Vice President Sara Duterte.
Ano ba ang “political persecution”? Ito ay paggamit ng kapangyarihan ng estado para usigin, patahimikin, at harasin ang isang tao dahil sa kanyang pulitika o paniniwala.
Kadalasan, ang mga biktima nito ay human rights advocates, democracy defenders, at freedom fighters.
Eh, ang mga nabanggit na politiko?
Sina Jinggoy at Marcoleta ay nakakulong sa mga kasong plunder. Si Quiboloy ay nakakulong at nakatakdang i-extradite sa United States sa mga kasong human at sex trafficking. Si Bato ay may ICC arrest warrant kaugnay ng Oplan Tokhang. Si Alan Peter ay iniimbestigahan sa mga diumano’y anomalous at ghost projects. Ang mag-inang Loren at Leandro ay iniimbestigahan din sa posibleng pandarambong kaugnay ng multibillion-peso solar projects. At si Sara ay nililitis ng impeachment court sa mga kasong pandarambong at iba pang impeachable offenses.
Ang tanong: kung biktima sila ng political persecution, bakit walang human rights groups, dito o abroad, na sumusuporta sa kanila?
Ito rin ang tanong sa mga defender nina Loren at Leandro. Kung maganda ang kanilang solar projects, bakit walang mga green at environmental groups na dumidepensa sa kanila?
Puro palusot.
Speaking of palusot, ganito rin ang asal ng defense team ni Sara sa impeachment trial.
Imbes na sagutin ang testimonya ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, inatake ng defense lawyer ni Sara ang kanyang reputasyon. Walang kuwenta ang mga tanong. “Kakampink ka ba?” “Close ba kayo ni Rep. Chel Diokno?” “Gusto mo bang sumali sa Akbayan?” “May hinanakit ka ba dahil hindi ka na-appoint sa Supreme Court?”
Pero hindi ito surprising. Wala kasing maisagot ang defense team ni Sara sa usapin ng unexplained wealth niya. Bilyones ang sinasabing lumabas-pasok sa bank accounts niya at ng kanyang asawa, pero walang malinaw na paliwanag.
Sabi nga nila: “Si Sara ay paldo, pero walang mga resibo.” At ang defense team niya, walang maibigay na matinong argumento.
- Latest















