^

PSN Opinyon

‘Basura ang kalaban, pero tayo rin ang pasaway’

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

APRUBADO na sa Kongreso ang panukalang batas na gustong gawing kuryente ang basura para mabawasan ang baha at tambak na kalat sa bansa.

Sa botong 255 pabor, 6 kontra at 3 abstain, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang tinatawag na “Waste-to-Energy Act.”

Sa madaling salita, plano ng gobyerno na magtayo ng mga pasilidad na kayang gawing init, kuryente o fuel ang basura imbes na nakatambak lang sa estero, kanal at dumpsite.

Kasi aminin man natin o hindi, tuwing bumabaha, hindi lang ulan ang may kasalanan. Marami ring baradong kanal dahil sa basurang basta na lang itinapon kung saan-saan. ‘Pag umulan nang malakas, tayo rin ang unang magrereklamo habang lutang ang tsinelas sa kalsada.

Ayon sa panukala, gagamit daw ng makabagong teknolohiya para hindi makadagdag sa polusyon. May mahigpit na bantay mula sa DENR at iba pang ahensya para siguradu­hing pasado sa batas pangkalikasan ang mga pasilidad.

Hindi rin basta-basta pwedeng magsunog ng basura nang walang kontrol. Kailangan may monitoring system para bantayan ang usok at kemikal na lalabas. May parusa rin tulad ng multa, kulong at pagbawi ng permit sa mga lalabag.

Isa pa sa gusto ng batas, mabawasan ang tambak na open dumpsite at magkaroon ng mas maayos na sistema ng pagtatapon at pagproseso ng basura.

Pinagbabawal din ang pag-angkat ng basura mula ibang bansa para gawing panggatong dito. Ibig sabihin, sariling basura muna natin ang ayusin bago tayo maging tapunan ng problema ng iba.

Sabi naman ng mga sumusuporta rito, malaking tulong daw ito para sa mas malinis na komunidad at dagdag na mapagkukunan ng kuryente sa bansa.

Pero sa totoo lang, kahit anong batas pa ang ipasa, kung ugali pa rin ng tao ang magtapon ng basura sa ilog, kanal at kalsada, babalik at babalik pa rin ang baha. Hindi sapat ang bagong teknolohiya kung luma pa rin ang disiplina.

BASURA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with