^

PSN Opinyon

Ilang Pinoy sumasabit sa mga anomalya sa Amerika

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Mantsa sa imahen ng mga Pilipino ang pagkakasangkot ng ilan nating kababayan sa mga krimen at anomalya sa ibang bansa tulad sa Amerika. Kamakailan lamang, nahatulan ng korte sa Northern Mariana Islands ang isang mag-inang Pilipina matapos mapatunayang nagnakaw ng mahigit $50,000 mula sa pondo ng pampublikong paaralan. Sa California naman, ilang Pilipino ang nadawit sa malaking iskandalo sa hospice fraud na umabot umano sa halos $50 milyon. Ayon sa mga awtoridad sa Amerika, ginagamit sa ilang modus ang pagpaparehistro ng mga pasyenteng hindi naman tunay na nangangailangan ng hospice care upang makasingil ng malaking pera mula sa Medicare, ang health insurance program ng gobyerno ng Estados Unidos para sa matatanda at may kapansanan.

Napabalita rin sa nagdaang mga taon ang mga kaso ng healthcare billing fraud, investment scam at Ponzi scheme na kinasasangkutan ng mga Pilipino at kadalasang tuma-target mismo sa kapwa nila Pilipino. May mga immigration at recruitment scam din na nangangako ng trabaho, visa o green card kapalit ng malaking halaga. Noong 2023, naging kontrobersiyal din ang imbestigasyon sa pekeng nursing diplomas mula sa ilang paaralan sa Florida kung saan kabilang sa mga nausisa ang ilang Filipino nurses at recruiters. Sa ilang estado gaya ng California, Nevada, Hawaii at Guam, may mga ulat din ng pang-aabuso at underpayment sa kapwa Pilipinong caregiver at domestic worker.

Gayunman, hindi dapat husgahan ang buong Filipino community dahil lamang sa mga kasalanan ng iilan. Nakakarami pa rin ang mga Pilipinong marangal na namumuhay at nagtatrabaho sa ibang bansa. Marami ang nagsisikap nang tapat, may dalawa o tatlong trabaho, nagtitiis ng pagod at homesickness, at nagsasakripisyo para lamang maitaguyod ang pamilya sa Pilipinas. Marami ring Pilipino ang kinikilala sa Amerika bilang mahuhusay na nurse, caregiver, guro, inhinyero at propesyonal. Sa katunayan, matagal nang kabilang ang mga Pilipino sa pinakamalalaking immigrant communities sa United States at kilala sila sa sipag at pagiging mapagkakatiwalaan sa trabaho.

Pero hindi rin maikakaila na may ilang natutuksong gumawa ng panloloko at pagsasamantala para lamang yumaman nang mabilis. Kung minsan, ang mga nakamamanghang bahay, mamahaling sasakyan, bakasyong engrande at magarbong pamumuhay na ipi-
napakita sa social media ay hindi pala bunga ng malinis na hanapbuhay kundi ng ilegal na gawain.

Maaaring may pinagdadaanan silang kahirapan o matinding pressure sa buhay, ngunit hindi nito nababago ang katotohanang lumabag sila sa batas ng bansang kumupkop sa kanila.

Mahalagang paalala ito sa mga Pilipino rito sa Pilipinas na madaling humanga sa tagumpay ng mga kababayang nasa abroad. Hindi lahat ng nakikitang karangyaan ay dapat kainggitan o tularan.

Sa panahon ngayon, hindi sapat na sukatan ng tagumpay ang laki ng bahay, kapal ng bank account o dami ng luho. Mas mahalaga pa rin ang malinis na pangalan, marangal na paghahanapbuhay at respeto ng kapwa.

Ang tunay na karangalan ng Pilipino sa ibang bansa ay hindi nasusukat sa dami ng dolyar kundi sa katapatan at dangal ng kanyang pamumuhay.

* * * * * * * * * * * *

Email - [email protected]

AMERIKA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with