EDITORYAL – Komersiyo sa kolehiyo
Mabuti at natauhan ang Commission on Higher Education (CHED). Inulan kasi ito ng batikos ng mga unibersidad, unyon ng mga guro, at college students, nang ipinagpaliban ng ahensiya ang “Reframed General Education Curriculum” (RGEC) patungong 2028. Ang orihinal na plano? Tapyasan ng kalahati ang kasalukuyang 36 units ng General Education (GE) sa kolehiyo para maging 18 na lang. Sabi ng CHED, para raw maiwasan ang pag-uulit ng mga aralin sa Senior High School at i-align ang mga bata sa “market demands”.
Pero tila pampalubag loob lamang ito. Ang suspensiyong ito ay pansamantalang pag-atras lang para humupa ang galit ng publiko. Ang framework na itinutulak ng CHED ay nananatiling mapanganib. Sa ilalim ng binuong curriculum, tuluyan nang buburahin bilang standalone required subjects ang Philosophy, Ethics, Art Appreciation, at maging ang Philippine History na balak pang i-merge sa subject na Rizal. Katwiran ng CHED Technical Panel, masyado raw “mabigat” ang mga GE subjects sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa kaya dapat lumipat sa “outcomes-based” na disenyo, isang terminong pampolitika para sabihing gusto nilang hubugin ang mga estudyante base lang sa kasanayan sa trabaho (competency). Dito lumilitaw ang komersiyalisadong mukha ng sistema. Ginagawang market-driven ang edukasyon kung saan ang mga unibersidad ay parang mga pabrika. Ang mga estudyante ay hinuhubog na maging simpleng kalakal o commodities na kapag nagtapos ay itatapon sa ibang bansa bilang cheap laborers.
Kapag pinilit ng CHED na alisin ang mga subject na humanities at social science, ano ang matitira? Makagagawa nga tayo ng mga graduates na magagaling sa teknolohiya at digital literacy, pero magiging bulag naman sila sa kasaysayan, walang etika, at walang pakialam sa lipunan. Mawawalan ang kabataan ng kakayahang magsuri sa mga baluktot na polisiya ng gobyerno, sa talamak na korapsiyon, at sa naglalakihang fake news at disimpormasyon. Hindi sapat na marunong lang mag-code o mag-English ang kabataan; kailangan nilang matutong mag-isip, magtanong, at lumaban para sa katotohanan at hustisya.
Hindi rin biro ang pinsalang idudulot nito sa kabuhayan. Ayon sa datos ng mga unyon, nasa 60,000 hanggang 90,000 na mga guro sa buong bansa ang nanganganib na makaranas ng salary cut, bawas-load, o masibak sa trabaho.
Ang tanong ngayon sa CHED at sa EDCOM 2: Ano ba talaga ang goal ng mataas na edukasyon sa Pilipinas? Ang lumikha ba ng mga sunud-sunurang manggagawa para sa mga banyagang kapitalista, o ang magpalitaw ng mga mulat, matapang, at may pananagutang mamamayan na magtatanggol sa demokrasya? Ang kailangan ng sambayanan ay mas malawak at mas malalim na General Education, hindi bawasan ang kurikulum. Huwag payagan na mawala ang kritikal na pag-iisip sa bansa. Talo ang mamamayan kung ang susunod na henerasyon ng Pilipino ay gagawing robot ng isang sistemang walang kaluluwa.
- Latest
















