EDITORYAL - Lapit na ang tag-ulan, handa na ba sa baha?
HINDI pa inihahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-ulan pero nakikita na ang mga palatandaan na malapit na ito. Kabilang sa mga palatandaan ang pag-ulan sa hapon at gabi. Noong Biyernes at Sabado ng gabi, umulan sa maraming lugar sa Metro Manila. Tumagal ng ilang oras ang ulan at nagdulot iyon ng pagbaha. Bumaha sa bahagi ng SLEX at sa Las Piñas City.
Kapag nabanggit ang tag-ulan, ang unang pumapasok sa isipan ng mamamayan ay baha. Kapag umulan nang walang patlang ang kasunod na ay baha. Hindi lamang basta karaniwang baha ang nananalasa kundi mapaminsala. Mas matindi ang baha na dulot ng bagyo sapagkat inaabot pati ang second floor ng mga bahay.
Nang manalasa ang Bagyong Ondoy noong Set. 24, 2009, lumubog ang Metro Manila at karatig probinsiya. Ang mga lugar na hindi binabaha ay sinalanta. Maraming residente ang nagsiakyatan sa bubong ng kanilang bahay para maiwasan ang rumaragasang baha. Nang humupa ang baha, natambad ang maraming basura na karamihan ay plastic. Ang walang disiplinang pagtatapon ng basura ang tinuturong dahilan ng baha. Nakabara sa mga imburnal ang mga plastic na basura.
Isa ring dahilan nang pagbaha ay ang kawalan ng kakayahan ng mga pumping stations na higupin ang baha at iluwa sa Manila Bay. Laging nasisira ang pumping stations kaya matagal bago humupa ang baha. Malaki ang pondo para sa flood control project subalit patuloy pa ring nagiging problema ang baha.
Maraming sakit na lumalaganap sa panahon ng tag-ulan. Isa sa labis na kinatatakutan ang dengue na hatid ng mga lamok. Kadalasang nasa mga kanal o estero na hindi umaagos ang mga lamok. Dapat linisin ang mga kanal at estero na may tambak ng basura. Naninirahan din ang mga lamok sa mga basyong bote, lata, gulong, mga damit na nakasampay at mga malalagong halaman.
Isa pang sakit sa panahon ng tagbaha ang leptospirosis na nakukuha sa ihi ng daga. Kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop ang tubig baha. Kapag ang isang tao na lumusong sa baha ay may sugat sa binti at hita, dito magdaraan ang virus na tinatawag na leptospira. Sintomas ng leptospirosis ang lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat at pananakit ng ulo.
Malapit na ang tag-ulan at baha. Handa na ba ang pamahalaan para masolusyunan ito? Linisin ang waterways sa nakatambak na basura. Ipatupad ang kampanya na huwag magtapon ng basura sa kung saan-saan. Pagmultahin ang mga magtatapon. Ipatupad ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
- Latest















