Senado, inatake ni Cayetano!
Huwag na tayong magpa-tumpik-tumpik. Si Senador Alan Peter Cayetano, ang self-declared “ambassador of Jesus Christ,” ang mismong umatake sa Senado.
Sa desperadong pangarap na maging Senate President at pagtakpan ang kanyang mga alyado sa pananagutan, winasak niya ang dignidad at kredibilidad ng Senado.
Nagsimula ang kanyang atake nang ikudeta niya si Tito Sotto bilang Senate President, kasabay ng ikalawang impeachment ng Kongreso kay Vice President Sara Duterte. “Pagkakaisa” raw ang layunin niya. Pero sa loob lamang ng isang linggo ng kanyang liderato, naging kahihiyan sa buong mundo ang Senado.
Naagaw ni Cayetano ang kontrol sa Senado sa tulong ng kanyang kapatid na si Pia Cayetano, ng magkapatid na Villar, at ni Loren Legarda, na umano’y umasa na siya ang magiging unang babaeng Senate President ng bansa bago siya sinapawan ni Cayetano.
Ngunit ang tunay na nagpabago sa balanse ng Senado ay ang biglaang pagsulpot ni Senador Bato dela Rosa, na ilang buwan nang nagtatago mula sa ICC.
Patagong ipinuslit si Dela Rosa sa Senado gamit ang sasakyan ni Cayetano. Sa CCTV footage, kitang-kitang nakikipaghabulan siya sa mga awtoridad at nadapa pa nga; isang eksenang naging katatawanan sa social media at sa buong mundo.
Inilagay ni Cayetano si Dela Rosa sa “Senate protective custody,” na para bang whistleblower at hindi pugante. Ginamit pa ang Office of the Sergeant-at-Arms upang protektahan siya laban sa NBI.
Pinakamatindi ang nangyari noong Miyerkules nang maging tila war zone ang Senado. Nagkalat ang mga armado, nagkaroon ng putukan, at halos 30 bala ang pinaputok ng Senate security personnel. “Inaatake” raw sila. Ngunit nang nawala ang usok, walang armadong grupo ang sumalakay sa Senado.
Sa gitna ng kaguluhan, tumakas si Bato kasama diumano si Senador Robin Padilla, na tila nag-aakalang nasa pelikula pa rin siya.
Tama si Cayetano, “inaatake” ang Senado. Pero hindi ng NBI, o ng kung sinong armadong pwersa.
Si Alan Peter Cayetano mismo ang umatake sa Senado.
Dahil sa kanyang ambisyon at sa tangkang pagtakpan si Sara at iba pang kaalyado, halos durugin niya ang reputasyon, kredibilidad, at integridad ng Senado.
Kailangan bawiin ang Senado. Tiyakin na ang termino ng pinakamasamang senate president ang pinakamaikli sa kasaysayan ng bansa.
- Latest















