EDITORYAL - Nararapat sumuko si Bato
PAGKATAPOS humupa ang barilan sa second floor ng Senado noong Miyerkules na naghatid ng takot sa mga taong nasa gusali, ang taong pinag-ugatan ng lahat ng kaguluhan ay hindi na makita. Nawala at sukat si Sen. Ronald dela Rosa na ayon sa head ng OSAA ay lumabas kasama si Sen. Robin Padilla dakong 2:00 a.m. Naispatan umano si Bato sa NAIA Terminal 3.
Hindi lamang takot ang namayani sa Senado —mas ang nakahihiyang pangyayari na naganap nang magpalit ang liderato ng Senado. Una nang kinupkop ng Senado sa pamamagitan ng bagong upong Senate President Alan Peter Cayetano si Dela Rosa. Agad inaprubahan ni Cayetano ang paglalagay kay Dela Rosa sa protective custody ng Senado. Hindi raw maaring arestuhin si Bato sa Senado. May nakahaing arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) kay Bato dahil sa extrajudicial killings sa panahon ni dating Pres. Rodrigo Duterte.
Nanindigan si Dela Rosa na hindi siya susuko sa ICC. Kinondena rin ni Bato ang kanyang mga kapwa senador sa panawagang sumuko na siya sa ICC kaugnay ng kaniyang arrest warrant. Naghain ng resolusyon ang limang senador na humihikayat kay Dela Rosa na kusa nang sumuko sa mga awtoridad at gumawa na lamang ng legal na hakbang. Sabi ni Dela Rosa na huwag atat daw ang mga senador. Mayroon pa raw siyang legal remedies na maaaring gamitin kaya dapat lamang hintayin ng kanyang mga kasamahan sa Senado ang resulta ng mga ito. Kung maglalabas daw ng warrant ang lokal na hukuman, maaari pa rin niyang iakyat ang usapin sa Supreme Court.
Nagsimula ang kaguluhan nang lumutang si Bato sa Senado noong Lunes, eksakto sa pagbobotohan ng mga senador para sa bagong Senate President. Pinatalsik si Senate President Tito Sotto at iniupo ng mga kaalyadong senador si Cayetano.
Nang makita ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Bato, tinangka itong arestuhin base sa warrant of arrest na ipinalabas ng ICC. Mabilis na nakatakbo si Bato pero hinabol siya ng NBI agents mula parking lot ng Senado hanggang sa session hall na nasa ikalawang palapag ng Senate building. Sa pagtakbo, nadapa si Bato sa hagdan at nasugatan ang mga daliri.
Noong Miyerkules, naganap ang barilan sa second floor. Tatlumpu’t dalawang bala ang tumama sa dingding na salamin ng Senado. Inamin ng OSAA chief na si Mao Aplasca na siya ang nagpaputok ng baril bilang warning shots.
Nawala na si Bato sa Senado. Nagtatago na uli siya makaraan ang anim na buwan na pag-absent sa Senado. Nararapat siyang sumuko. Hinihintay naman ngayon ang aksiyon ni Cayetano sa nakahihiyang nangyari sa Senado. Nawalan ng tiwala ang mamamayan sa pinamumunuan niyang institusyon. Siya ang nararapat kumumbinsi kay Bato na sumuko at harapin ang mga kaso sa ICC.
- Latest
















