257 Votes ng Kamara, mensahe ng bayan!
Sa isang demokrasya, ang mga kinatawan sa Kamara ay hindi lamang mga pulitiko—sila ang mismong boses ng kani-kanilang distrito. Kaya ang 257 na boto para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ay hindi simpleng political maneuver lamang kundi malinaw na mensahe mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Hindi basta-basta bumoto ang mga kongresista. Dumaan ito sa hearings, deliberations, at konsultasyon sa kanilang local leaders at constituents. Para sa marami sa kanila, may sapat na probable cause upang umusad ang impeachment complaint. Naniniwala rin silang sinunod ng Kamara ang constitutional process, kabilang ang mga gabay na inilatag noon ng Korte Suprema kung paano dapat isagawa ang impeachment proceedings.
Nabigyan din ng pagkakataon si VP Sara na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, habang malinaw naman ang posisyon ng Duterte camp na handa nilang ipagtanggol siya sa Senado. At iyon naman talaga ang diwa ng proseso —hindi agarang paghatol kundi isang paglilitis upang marinig ang magkabilang panig.
Ngunit alam din ng mga kongresista ang magiging kapalit ng kanilang boto—social media attacks, pambabatikos, at ingay na kadalasang sinasamantala ng mga political rivals upang gumawa ng isyu online. Sa kabila nito, marami pa rin ang piniling manindigan dahil para sa kanila, mas mahalagang unahin ang interes ng kanilang distrito kaysa sa sariling political comfort.
At dito malinaw ang pagkakaiba ng social media noise at ng realidad sa ground. Sa internet, mabilis ang bashings at trending hashtags. Ngunit sa distrito, nakikita ng tao kung sino ang present, sino ang may serbisyo, at sino ang may naipapatupad na proyekto. Kapag maayos ang performance ng isang representante, kadalasan mismong constituents pa ang nagiging proteksyon niya laban sa pambansang ingay.
Napatunayan na rin ito noong mga nakaraang eleksyon. Maraming mambabatas noon ang inatake online dahil sa kanilang political positions, ngunit marami rin ang muling nanalo—maski pa sa Mindanao, na itinuturing na balwarte ng Duterte supporters. Dahil sa lokal na pulitika, direktang koneksyon at serbisyo pa rin ang pinakamahalaga sa tao.
Ngayon, ang pressure ay nasa Senado. Sa mata ng publiko, kapag hindi itinuloy ang impeachment trial matapos sundin ng Kamara ang constitutional process, hindi lamang institutional damage ang maaaring tamaan kundi pati reputational damage ng bawat senador na makikitang umurong sa kanilang constitutional duty. Sa huli, malinaw ang naging paninindigan ng maraming kongresista: dibale nang atakihin sila online, trolls man o hindi, basta para sa kanila, mas mahalagang unahin kung ano ang makabubuti sa kanilang distrito kaysa sa kanilang sariling political comfort o interes.
- Latest
















