Si Bato at ang batas
Kontrobersiyal ang eksena sa Senado kung saan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay tumakbo papasok sa session hall para iwasan ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na maghahain ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ang eksenang ito, na tila “track and field” ayon sa mismong NBI Director Melvin Matibag, ay hindi lamang nakakatawag-pansin kundi nagbubukas ng mas malalim na usapin: paano natin tinitingnan ang batas, at sino ang dapat magpakita ng ehemplo sa pagsunod dito?
Ang warrant of arrest ay hindi simpleng papel. Ito ay mandato mula sa isang competent court na dapat igalang. Kung ang mismong dating hepe ng pulisya ay tumatangging sumunod, anong mensahe ang ipinapadala nito sa mga ordinaryong mamamayan?
“Kung hindi natin nagagawa ’yung ganyan nating mga tungkulin, there will be a breakdown of law and order,” babala ni Matibag.
Sa halip na harapin ang proseso, pinili ni Dela Rosa na magkampo sa Senado at humingi ng protective custody. Ang Senado, na dapat maging simbolo ng batas at demokrasya, ay biglang naging kanlungan laban sa pagpapatupad ng batas. Hindi ba’t ito’y naglalagay ng institusyon sa alanganin—na tila nagiging hadlang sa halip na katuwang ng hustisya?
Mula pa noong Nobyembre, ipinagmamalaki ni Dela Rosa na dumaraan siya sa mga checkpoint nang walang disguise, kahit may balitang may ICC warrant laban sa kanya. Para kay Matibag, ito ay panunuya sa law enforcement. Kung ang mensahe ng isang senador ay “kayang labanan ang gobyerno,” paano pa raw natin mahihikayat ang mga mamamayan na sumunod sa batas?
Ang habulan sa Senado ay higit pa sa isang nakakatawang eksena. Isa itong salamin ng krisis sa ating pamahalaan kung saan ang mga taong dapat magpakita ng ehemplo ay sila pang nagiging simbolo ng pagtakas.
Kung tunay na naniniwala si Senador Bato sa kanyang paninindigan, dapat niyang harapin ang proseso. Sapagkat sa huli, ang pagsuko sa batas ay hindi kahinaan, kundi lakas ng loob na ipakita na walang sinuman ang higit sa batas.
- Latest

















