Hatol ng Kamara sa impeachment
Ngayong Lunes, haharap ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isang makasaysayang araw, ang pagboto sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Hindi ito basta simpleng boto. Ito ay pagsubok sa integridad ng Kongreso, sa kakayahan nitong ipagtanggol ang interes ng taumbayan laban sa kapangyarihan ng iisang tao.
Kung maipapasa ang Articles of Impeachment, dadalhin ito sa Senado para sa paglilitis. Doon, masusubok ang bigat ng ebidensya. Ngunit bago makarating sa Senado, ang Kamara muna ang haharap sa mata ng publiko.
Sa nominal voting, isa-isang tatawagin ang bawat kongresista. Isa-isang maririnig ng publiko ang kanilang “oo” o “hindi.” Walang pagtatago, walang palusot. Ang boto ay magiging salamin ng kanilang paninindigan - para ba sa bayan, o para sa kapangyarihan?
Ang boto ngayong Lunes ay hindi lamang tungkol kay VP Sara. Ito ay tungkol sa kredibilidad ng Kongreso, sa pananagutan ng mga halal na opisyal, at sa pag-asa ng sambayanan na may hustisya pa sa ating sistema.
Tandaan na ang boto ng bawat kongresista ay hindi lamang numero. Ito ay marka ng kasaysayan. At kasaysayan ang huhusga.
- Latest




















