‘Mansion sa Paris’
Habang ang karaniwang Pilipino ay nagbibilang ng piso para sa pamasahe at bigas, nakikipagbuno sa araw-araw na hamon ng mataas na presyo ng bilihin, ang dating kongresista na si Zaldy Co ay nakatira umano ngayon sa isang “10-room mansion” sa Paris, sa gitna ng Champs-Élysées Avenue, isang lugar na kilala sa luho at eksklusibong pamumuhay.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, tinatayang aabot sa 200 milyong dolyar o 200 milyong euros ang halaga ng naturang bahay. Sa peso ito ay tumataginting na P14 bilyon.
Nakabinbin pa ang kanyang asylum application sa France at umaasa ang pamahalaan na makakakuha ng Interpol red notice upang maibalik si Co sa Pilipinas at harapin ang mga kasong katiwalian na may kinalaman sa P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Ngunit sa ngayon, tila nagiging simbolo ang mansion ng kawalan ng pananagutan ng mga makapangyarihan.
Paano nakakalusot ang mga tulad ni Co? Habang ang mga ordinaryong Pilipino ay pinipiga ng buwis, may mga opisyal na nakakapagpatayo ng imperyo sa ibang bansa gamit ang pondo ng bayan.
Ang mansion ay hindi lamang tirahan, ito ay monumento ng kawalan ng hustisya. Kung hindi agad matutugunan ng pamahalaan ang ganitong uri ng katiwalian, lalong mababaon sa kawalan ng tiwala ang publiko.
Kailangan ng malinaw na mensahe na walang makakatakas sa pananagutan, kahit pa magtago sa Paris.
Itinanggi na ng abogado ni Co na may 10-bedroom residence sa Paris ang kanyang kliyente.
Ang mansion kung totoo man ay nagsisilbing paalala na ang tunay na laban ng bayan ay hindi lamang sa kalsada kundi sa pagpapanagot sa mga makapangyarihan na patuloy na nagtatago sa anino ng kanilang yaman.
- Latest




















