Set-up, planado o ‘guilty’ sa P300 milyong ‘extortion’
Hot issue ngayon ang pagkakaaresto sa founder ng Peanut Gallery Media Network na si Franco Mabanta at sa apat pang kasamahan na kontrobersyal at viral sa social media.
Ito’y makaraang ikasa ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang isang entrapment operation laban kay Mabanta dahil sa umano’y pangingikil ng limpak-limpak na salapi o tumataginting na P75-M milyon mula kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez kapalit ng hindi umano pag-e-expose ng ‘baho’ ng dating Speaker patungkol sa isang video na may kaugnayan sa maanomalyang flood control project.
Ikinokonsidera rin ng NBI na ‘person of interest’ sa extortion kay Romualdez ang anchor ng PGMN na si Camille Jensen “CJ” Hirro na pinadalhan na ng subpoena.
Madami ang nagulat lalo na ang mga pro-Duterte na DDS at magkakaiba rin ang pananaw at komento ng mga netizens sa social media sa naturang entrapment operation.
Matapos maaresto si Mabanta, agad na naghayag na “set-up” ang ginawa ng NBI.
Mabilis namang dumepensa ang NBI at sinabing lehitimo ang kanilang operasyon na nakunan pa ng mga videos o spy camera ang transaction at actual na operasyon hanggang sa pagkakadakip kay Mabanta sa kanyang unit sa Pasig City nitong Martes. Kasunod sa pagtanggap umano nito sa P75 milyong marked money na paunang bayad para sa P300-M na demand.
Sumagot din ang kampo ni Romualdez at sinabing nagpapalusot lang si Mabanta sa kanyang alegasyong siya ay na-set-up sa P300-M ‘extortion’.
Sa kabila nito, iginiit ni NBI Director Malvin Matibag na matibay ang kanilang ebidensya. Naniniwala rin siya na wala talagang video si Mabanta laban kay Romualdez.
Sa mga operasyon ng mga law enforcement agencies gaya ng NBI, PNP, PDEA, karaniwan ay nagsasagawa ng malalimang surveillance at transaction sa target bago isagawa ang planadong operasyon.
Nang madakip si Mabanta, ito ba ay masasabing set-up?
Sa pagiging guilty, ibabase naman ito sa mga nakuhang ebidensya ng NBI na siyang gagamitin sa pagsasampa ng kaso hanggang sa ito ay mapatunayan na may basehan ng korte.
- Latest















