Robin, mag-aral ka naman kahit konti!
Sa isang panayam kay Robin Padilla, sinabi niya na tututulan daw ng Senate minority ang impeachment process ni Vice President Sara Duterte. Tututulan nila dahil ang papel at trabaho raw ng minority ay laging mag-opose.
Anak ng isang sakong gagaw! Ang laki ng budget ng opisina ni Sen. Robin, sandamakmak ang staff, at may unlimited internet pa. Pero ‘yung pinaka-basic na konsepto ng kanyang trabaho sa Senado ay hindi man lang inaral. Mukhang tama nga ang maraming tao, sayang ang kuryente, oxygen, at internet sa taong ito.
Mr. Senator, for your information, ang impeachment process ay hindi optional sa mga senador. Constitutional duty ninyo iyan, kampi man kayo o hindi sa inaakusahan. Hindi pwedeng i-reject ng Senate ang inakyat na articles of impeachment. Ang pwede lang nitong gawin ay i-convict o i-acquit ang akusado. Kapag tinutulan mo ang impeachment process, lalo na kung walang batayan o dahil kampi ka lang sa akusado, lumalabag ka sa Konstitusyon at umiiwas ka sa iyong mandato at tungkulin.
Hindi rin trabaho ng minority na kumontra lang nang kumontra. Obstructionist ka na niyan. Ibig bang sabihin, kapag may panukala ang majority na taasan ang budget sa edukasyon, automatic mo itong tututulan dahil minority ka? Kahit malinaw na makikinabang ang bansa?
Isa sa mga papel ng minority ay maging “fiscalizer,” tagasuri, taga-balanse, taga-bantay. Pero hindi ito eksklusibong franchise ng minority. May mga fiscalizers din sa majority gaya nina Ping Lacson, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Bam Aquino. Hindi monopolyo ninuman ang pagtatanong, pagbusisi, at pagpuna.
Pero ang mas mahalagang papel ng minority ay ang pagsusulong ng mga policy alternatives. Hindi sapat na puro “oppose”; mas mahalaga kung ano ang iyong pinopropose.
Madali lang naman sanang maintindihan ito ni Senator Robin kung aaralin niya. Ilang oras ng pagbabasa, pakikinig sa policy debates, o briefings ng kanyang staff ay sapat na sana. Hindi sapat ang puro angas; kailangan samahan ito ng isip na may talas.
Lahat ay puwedeng mag-aral at matuto, lalo na kung sagana sa resources. Wala namang pinanganak na tanga o bobo. Pero kung sa dami ng oportunidad ay pinili mong manatiling mangmang at istupido, choice mo na ‘yan. Hindi na ‘yan kakulangan, desisyon mo na ‘yan.
- Latest

















