Harvest in 7 to 12 days...NAMA Microgreens Farm
Ngayong araw na ito ay ibabahagi ko sa inyo ang kakaibang farm at pamamaraan ng pagtatanim ng iba’t ibang uri gulay na sa loob lamang ng 7 hanggang 12 ay magha-harvest at kikita ka na.
Ang aking tinutukoy ay ang NAMA Microgreens Farm na pag-aari ng Gen Z na si Eldrin Lee at partner nito na si Skyrene “Sky” Bacalso na makikita sa Sta. Mesa Maynila.
Si Eldrin ay graduate ng Physics habang si Sky ay Accountant at kapwa walang pormal na background sa larangan ng agrikultura pero dinala sila ng Panginoon sa pagtatanim para isulong ang pagkakaroon ng masustansiyang pagkain sa hapag kainan at makatulong sa food security ng ating pamahalaan.
Ayon kay Eldrin, nagsimula sila sa research at trial and error hanggang unti-unting mapalago, mapaganda ang kanilang mga tanim na “baby vegetables”.
Dati ay maliit na espasyo na taniman lamang, ngayon ay nasa 70-square meter na ang NAMA Microgreens Farm sa Sta. Mesa Maynila.
Mayroon ng 15 tanim na iba’t ibang variety ng microgreens si Eldrin at Sky tulad ng peas, arugula, radish, beets, chervil, red mustard, red amarant, pansit-pansitan, basil, blue peas at iba pa.
Sinabi ni Eldrin, maraming pagsubok ang kanilang pinagdaanan pero hindi sila sumuko sa halip ay ipinagkatiwala sa Panginoon ang kanilang gawain sa pagtatanim at sinamahan ng sipag at tiyaga.
Ngayon ay mayroon ng 200 na restuarant, hotel, cafes at bars na sinusuplayan ng kanilang produce na microgreens.
Kumikita na rin ng nasa 6-digits kada buwan sina Eldrin at Sky.
Nagbibigay na rin ng seminar si Eldrin at Sky katuwang ang Department of Agriculture- Agricultural Training Institute (DA-ATI).
Sa mga “health concious” at gustong bumili ng masarap at masustansiyang “baby vegetables” na produce nina Eldrin at Sky ay magpadala lamang po kayo ng mensahe sa kanilang FB page na NAMA Microgreens.
Una ko nang na-interview at naitampok si Eldrin sa aking TV Show noong nagsisimula pa lamang sila ni Sky sa pagtatanim noong kasagsagan ng pandemya sa CO-VID-19.
Ngayong Linggo, May 3, 2026 ay mapapanood ninyo ang aking ikalawang interview kay Eldrin at Farm tour sa TV show ng Magsasakang Reporter na Masaganang Buhay.
Samantala, para sa iba pang tips at sikreto sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan ay maaari po kayong manood at makinig ng aking TV program na Masaganang Buhay tuwing Linggo, alas-7:00 hanggang alas-8-00 ng umaga sa OnePH Cignal TV, Channel 1 ng TV-5. Mapapanood din sa RPTV, Facebook at Youtube.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag pong tawag ah, sa 09178675197. STAY SAFE, SALAMAT PO, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest















