^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Problema sa droga lalo pang lumubha

Pilipino Star Ngayon

MALAKI ang problema sa droga. Halos araw-araw, may mga nakukumpiskang shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso. Ang naka­pagtataka, hindi naman nahuhuli ang mga big time drug lord. Pawang mga maliliit na drug pushers ang nahuhuli. Hindi rin mabatid kung saan nanggagaling ang shabu.

Kamakailan, isang toneladang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Puerto Galera, Oriental Mindoro. Nakalulan sa isang bangkang de-motor ang shabu. Naispatan ng mga awto­ridad ang bangkang de-motor sa laot habang umaaligid naman dito ang isa pang bangkang de-motor. Nasiraan pala ang bangkang de-motor­ at sinasaklolohan ng ikalawang bangka. Agad tumakas ang ikalawang bangka nang makitang papalapit ang mga awtoridad. Nang inspeksiyunin ang nasirang bangka, nakita rito ang bultu-bultong shabu. Inaresto ang dalawang Chinese.

Ayon sa mga awtoridad, galing Batangas ang bangkang may kargang shabu nang masiraan ng makina sa laot. Sumaklolo ang ikalawang bangka pero hindi na nila nailigtas ang dalawang Chinese drug traffickers sapagkat dumating na ang mga awtoridad. Nahuli rin ang mga sumaklolo na kinabibilangan ng dalawang Pilipino.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga nahuling shabu sa laot. Noong nakaraang taon, maraming parcel ng shabu ang nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Pangasinan, La Union, Zambales at iba pang bahagi ng West Philippine Sea (WPS). Ang mga mangingisda ang nakasagip sa mga palutang-lutang na shabu. Ang mga pakete ay may nakasulat na Chinese characters.

May mga nasagip ding parcel ng shabu sa karagatang sakop ng Quezon Province at may Chinese characters din ang mga ito. Mga ma­ngingisda rin ang nakasagip.

Lalo pang lumubha ang problema sa droga sa bansa. Ang problemang ito ang ipinangako ni dating President Rodrigo Duterte nang ma­­upo sa puwesto noong 2016. Sabi niya, sa loob ng anim na buwan, lulupigin niya ang drug prob­lem sa bansa. Ipinatupad niya ang Oplan Tokhang kung saan kaliwa’t kanan ang ginawang pag-aresto sa mga suspected drug pushers. Mara­ming napatay sa drug operations.

Pero sa kabila ng Tokhang operations, hindi nalutas ang problema sa droga. Lalo pang lumubha. Hindi maubos ang shabu. Tone-tonelada na nagkakahalaga ng bilyong piso. Hindi nag­katotoo ang pangako ni Duterte.

Noong Miyerkules, sa pagpapatuloy ng im­peach­ment hearing ni Vice President Sara Du­terte, inihayag ni dating Senador Antonio Tril­lanes na tumanggap ang pamilya Duterte nang mil­yun-milyong piso mula sa drug lord na si Sammy Uy. Idinideposito ni Uy ang pera sa account ni Digong, sa mga anak at sa dating common law wife nito.

Ngayon, malinaw na kung bakit hindi nalutas ang problema sa droga sa panahon ni Duterte. Nakita ang agos ng pera mula sa droga patungo sa kanilang account.

DROGA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with