Magic ng magnesium

Nakaka-intriga ang chemical na magnesium (mg). Atomic number 12 ito sa Periodic Table of Elements. Alkaline-earth metal na ingredient sa gamot sa mata, shampoo na pangontra sa paglagas ng buhok, at underarm deodorant.
Nakakita ako ng advertisement na mabisa rin ang magnesium kontra sa alipunga. Mabisa rin sa pagpalago ng buhok at kontra uban. At taglay ito ng karaniwang daily multivitamins. Taglay rin ng castor oil na panglinis ng bituka ng mga bata.
Inulat ng Economist magazine na daan-daan pala ang epekto ng magnesium sa katawan. Tumutulong maayos ang heartrate, glucose, at blood pressure. Mahalaga sa sintesis ng DNA at protina.
Pinabibilis din ng magnesium ang paglikha ng serotonin, kemikal sa utak na nagpapaganda ng tulog, gana sa pagkain, at emosyon.
Pagkain ang batayang sanhi ng magnesium. Pinaka-mataas sa dahong gulay, beans, mani, saging, gatas, at whole grains.
Tumitindi ang benta ng magnesium supplements na may dagdag na sustansya para sa magnesium salts, anang Economist. Pinatatalastas na mabilis umanong pampatulog, pambawas stress at depression, at may taglay na benepisyong cardiovascular.
Linahad ng Economist ang dalawang laboratory at field tests. Una ang tungkol sa pagtulog. Animnapu’t siyam na hirap matulog ang pinainom ng magnesium gabi-gabi. Makalipas ang isang buwan, napansin na medyo mas maganda na ang tulog nila kumpara sa mga pinainom ng placebo lang. Malamang dahil nakakapag-relax ng muscles ang magnesium. Nalathala ito sa Nature and Science of Sleep, Aug. 2025.
Ikalawa, pinainom ang 38 participants gabi-gabi ng L-threonite, uri ng magnesium na madaling ma-absorb ng utak. Makalipas ang tatlong linggo, mas humimbing ang tulog nila, kumpara sa 38 na naka-placebo lang. Nalathala ito sa Sleep Medicine: X nu’ng 2024.
Kailangan ng katawan ng 310-420 mg ng magnesium araw-araw.
- Latest




















