Menopause sa lalaki: Ano ito?
Kung ang babae ay may menopause, ang mga lalaki naman ay may andropause. Iba ang sintomas ng menopause sa babae kumpara sa lalaki.
Ang menopause sa babae ay biglang dumarating ng mga edad 45 hanggang 55, kung saan hihinto na ang pagreregla ng babae. Tumitigil na ang paggawa ng itlog (egg cell) ng babae at biglang babagsak ang lebel ng estrogen sa katawan. Dahil dito, nakararamdam ang babae ng pag-iinit ng katawan (hot flushes), irregular na regla, pagkabalisa, hindi makatulog at pag-iinit ng ulo.
Kumonsulta sa iyong OB-gynecologist para malunasan ito.
Andropause sa lalaki:
Ang andropause ay posibleng mangyari sa mga lalaki. Ito ang tinaguriang “male menopause.”
Mula sa edad 30 ay unti-unti nang bumababa ang lebel ng testosterone ng lalaki ng 1% kada taon. Pagdating ng edad 70 ay posibleng bumaba na ang lebel ng testosterone ng halos 50%. Dahil dahan-dahan ang pagbaba ng testosterone at hindi ito gaano napapansin ng kalalakihan.
Ang sintomas ng andropause ay ang (1) pagbawas ng gana sa sex, (2) lumiliit na mga masel ng katawan, (3) panghihina, at (4) pagbaba ng kumpiyansa sa sarili (low self confidence). Ang iba naman ay nalulungkot at nahihirapan matulog.
Para malaman kung mababa ang iyong testosterone, puwede itong ipasuri sa laboratoryo sa pamamagitan ng blood test.
Ano ang solusyon sa andropause? Una, kumain ng masustansya at ituloy ang regular na ehersisyo. Pangalawa, magpa-check up sa doktor para malaman kung may ibang dahilan ang iyong nararamdaman. Baka naman hindi andropause ang sanhi ng sintomas mo.
Huling payo: Mag-ingat din sa pag-inom ng mga supplements para sa testosterone. Hindi pa tiyak ang benepisyo at peligro nito. Kumonsulta sa inyong doktor. Good luck.
* * * * *
3 sintomas sa babae na dapat masuri
Kung mayroon ka ng mga sumusunod na sintomas, mag-patingin sa iyong doktor:
1. May bukol sa suso, kahit gaano kaliit.
Mga 10% ng mga kababaihan na may bukol sa dibdib ang nagkakaroon ng kanser. Minsan, normal na may mga bukol sa suso na nagsama-sama (tinatawag na fibroadenoma), o kung minsan ay cyst lamang. Karaniwan na nagkakaroon ng mga maliit na bukol kung parating na ang regla. Pero kung hindi ka sigurado sa sanhi ng bukol, kinakailangan magpatigin sa surgeon o doktor. Dahil ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng babae sa kanser ay bre-ast cancer.
2. Abnormal na pagdurugo.
Maraming bagay ang naka-a-apekto sa regla ng babae, tulad ng pagbaba ng timbang, sobrang ehersisyo at stress. Madalas na kusa itong bumabalik sa normal at hindi na kailangan gamutin. Ngunit kung ang iyong dalaw ay patuloy na hindi regular, malakas o mas tumatagal ang pagdurugo, dapat ng kumonsulta sa OB-Gyne. Kung may pagdurugo pagkatapos ng pagtatalik, o sa pagitan ng iyong regla, magpa-check-up din. Kung naranasan ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause, maaari isa itong tanda ng kanser.
3. Hindi normal na discharge.
Ang normal na discharge mula sa pwerta ay malinaw o puti ang kulay at walang amoy. Pero kung ang discharge ay kulay dilaw, brown o pula, at may mabahong amoy, maaaring tanda ito ng mga sakit. Ang kadalasan dahilan ng ganitong discharge ay impeksiyon tulad ng bacterial vaginosis o thrush, at mga STD tulad ng chlamydia, gonorrhea, herpes o trichomoniasis.
Kung hindi magamot ang STD ay maaaring humantong ito sa pelvic inflammatory disease impeksiyon sa reproductive organs, na maaaring maging malubha at mawalan ng kakayahan na magbuntis ang babae. Posible din na kanser sa cervix (kwelyo ng matris) ang dahilan ng abnormal na discharge. Kumonsulta sa OB-Gyne.
- Latest
















