Sa pagdakip kay Co: Hustisya, hindi drama
Nadakip na sa Prague, Czech Republic ang dating kongresista na si Zaldy Co.
Matagal ding trinabaho ng gobyerno ang pagtunton sa kinaroroonan niya hanggang sa tuluyang maaresto. Hindi na siya nakatakas sa Europa. Parang eksena sa pelikula, ngunit ang bida rito ay hindi bayani kundi isang pulitikong matagal nang binabatikos.
Ang pagkakahuli kay Co ay may malinaw na mensahe, na kahit gaano kalaki ang impluwensiya, kapag may bahid ng katiwalian, darating ang oras ng paniningil. Kailangan niyang ipaliwanag ang P13 bilyong budget insertions na ibinibintang sa kanya.
Hindi ito basta numero, iyan ay pera ng bayan, dugo’t pawis ng mga ordinaryong Pilipino na dapat gamitin para sa kabutihan ng lahat. Kapag ang bilyon ay napunta sa bulsa ng iilan, hindi lang kaban ng bayan ang ninanakawan pati tiwala ng taumbayan ay winawasak.
Ngayon, ang tanong: May mangyayari ba? O baka naman tulad ng dati, mauuwi lang sa palabas, press release, at walang hustisya. Ang mga tao ay sawa na sa mga headline na “nahuli” pero walang kasunod na “nahatulan.”
Kung may hustisya, ang pagbabalik ni Co ay magpapatibay sa paniniwala na walang makapangyarihan ang higit sa batas.
Kung hindi magtatagumpay ang gobyerno, isa na namang kuwento ng pagkabigo ang madadagdag sa mahabang listahan.
Na ang laban kontra katiwalian ay ginagamit lamang bilang sandata ng pamumulitika.
“Zaldy Co, nadakip ka na. Pero ang bayan, naghihintay pa rin, hindi ng drama kundi hustisya.”
- Latest




















