^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Patuloy pa rin ang hazing sa PNPA

Pilipino Star Ngayon

MARAMING kabataang lalaki at babae ang gustong magpulis. At para matupad ang pangarap, nagpipilit silang makapasa sa pag­susulit na ibinibigay ng Philippine National Po­­lice (PNPA). Taun-taon nagbibigay ng exams ang PNPA. Ngayong taong ito, 326 kadete ang nag­­tapos sa “Silang Paglaom” Class of 2026 na pinangunahan ng isang babae. Ginanap ang graduation ceremonies noong Marso 27, 2026 sa Camp Castaneda, Silang, Cavite at si President Ferdinand Marcos Jr. ang naging panau­hing pandangal.

Sabi ni Marcos sa mga kadete, magtulungan­ para maibalik ang tiwala ng mamamayan. Ma­ipakikita ito sa pamamagitan ng police visibility­ at transparency. Linisin umano ang hanay ng pulisya para maipakita sa mamamayan na may mga pulis na nagtatrabaho nang tapat at hindi sinisira ang reputasyon. Mariing sinabi ni Marcos sa graduates na maging “tagapagbantay ng kapayapaan”. Panatilihin ang pagkakaroon ng disiplina para lubos na pagtiwalaan ng mamamayan. Ang mga natutuhan sa PNPA ay laging isabuhay habang nasa serbisyo. Sinabi pa ni Marcos na labanan ang korapsiyon at ang paglabag sa karapatang pantao.

Marami pang tinagubilin si Marcos sa mga kadete na ang bawat isa naman ay tahimik at seryosong nakikinig sa Presidente.

Siyam na araw makalipas ang PNPA gradua­tion, pumutok ang nangyaring hazing sa aka­demya. Tatlong kadete ang inaresto matapos isailalim sa hazing ang mahigit 20 underclassmen sa loob mismo ng PNPA. Ayon sa report­, nagtamo ng mga paso at lapnos ang mga bik­tima sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos pahiran ng pinaghalu-halong kemikal gaya ng muriatic acid. Pinahiran pati umano ang maseselang bahagi ng katawan ng mga kadete. Nadiskubre umano ng isang cadet guard detail ang insidente sa loob ng Barracks 2 ng PNPA. Tatlong 3rd Class cadet ang sangkot at may pito pang hindi pa nakikilalang mga suspek.

Ayon sa report, nagsimula umano ang hazing­ matapos sisihin ng mga suspek ang mga plebo kaugnay ng isang 4th Class cadet na balak nang mag-resign. Dahil dito, pinarusahan umano ang 20 kadete. Sasampahan ang mga suspek ng pag­labag sa Republic Act 11053 at administratibong kaso. Kapag napatunayan, matatanggal sa aka­demya ang mga suspect. Sabi ng PNPA, paiig­tingin pa ang kanilang mga hakbang laban sa hazing at tiniyak na mananagot ang mga  sangkot.

Hindi ito ang unang hazing incident sa PNPA. Noong 2019, namatay si Cadet 3rd Class George Carl Magsayo nang suntukin sa sikmura ng isang Cadet 2nd Class.

Ngayon ay may hazing na naman. Dapat mag-isip nang malalim ang mga kabataang nagnanais magpulis kung papasok pa sila sa PNPA o hindi na. Baka malagay sa panganib ang ka­nilang buhay sa mga berdugo.

PNPA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with