‘Piniga sa presyo’
Hindi na ito simpleng tanong, bangungot na. Bakit sa atin, halos lampas 100% ang taas ng presyo ng langis, habang sa iba, kalahati lang? Hindi malas ‘yan. Hindi aksidente. Pinagsamang bigat ng buwis, sobrang asa sa import, at sistemang kulang sa tapang.
Diretsahan: marupok ang depensa natin. Wala tayong sapat na imbakan, wala ring solidong reserba. ‘Yung iba, may panangga subsidiya, pasilidad, sariling suplay. Tayo? Bawat angkat, dagdag pasa sa bulsa ng tao.
Ganito lang ‘yan, kung may sarili kang suplay, may kontrol ka. Kung wala, sunod ka sa agos kahit mahal. Kaya sa bawat galaw ng presyo sa labas, diretso ang tama dito. Walang preno.
Idagdag mo pa ang kulang na imprastraktura. Habang ang iba may mga refinery, tayo halos nakaasa sa iisa. Ang ending bili tayo ng tapos na mas mahal, mas talo. Hindi na ito simpleng merkado. Kapalpakan na ito sa mahabang panahon ng pagpaplano.
Sa ibang bansa, may shock absorber. Dito, ang tao mismo ang shock absorber. Kapag sumipa ang presyo, ikaw ang sasalo. Walang sapat na pansalo, walang malinaw na proteksyon.
At eto ang hindi masagot-sagot: saan napupunta ang kinikita sa buwis sa langis? Kung lumalaki ang koleksyon kada taas-presyo, bakit walang ginhawa ang middle class ‘yung laging nagbabayad pero laging bitin sa tulong? Hindi ba puwedeng luwagan kahit pansamantala?
Habang lumalala, puro plano ang naririnig kulang sa gawa. Ang kailangan ng tao, hindi press release kundi aksyon, ngayon.
Sa dulo, hindi lang ito tungkol sa langis. Salamin ito kung gaano tayo kahanda bilang bansa. Hangga’t hindi inaayos ang pundasyon, polisiya, imprastraktura, direksyon mananatili tayong pinipiga sa presyo.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon at pagsusuri batay sa mga pampublikong datos at pangkalahatang obserbasyon. Wala itong layuning manira o magparatang laban sa anumang indibidwal, kumpanya, o institusyon. Layunin nitong mag-ambag sa pampublikong diskurso. Hinihikayat ang mambabasa na magsagawa ng sariling beripikasyon.
- Latest


















