^

PSN Opinyon

Michelin Star sa labas, pahirap sa loob’

Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

SA unang tingin, astig. Sosyal. May pangalan. May bitbit na reputasyon ang kilalang resto sa Makati City na parang gintong medalya 1 Michelin star, ika nga. Pero sa likod ng kumikinang na kusina, may kwento ng pawis, puyat, at pang-aabuso na hindi nakikita ng mga customer na abala sa pag-picture ng pagkain.

Ito ang masakit na katotohanan: hindi lahat ng mamahaling plato, malinis ang konsensya.

Isipin mo wala kang SSS. Walang Pag-IBIG. Walang kasiguraduhan. Para kang multo sa sistema: nagtatrabaho ka, pero wala kang bakas sa papel. Sampung taon ka na sa loob? Wala pa ring kontrata. Walang payslip. Parang utang na loob mo pa na pinapasok ka.

Tapos ang oras? Hindi lang basta overtime - overkill. Pasok ka ng alas-onse ng umaga, uuwi ka alas-tres na ng madaling araw kinabukasan. Walang OT pay. Walang holiday pay kahit pinapapasok ka. Sa madaling salita ubos ka na, wala ka pang laban.

At kapag gusto mong magpahinga? Aba, huwag kang masyadong aarte. Tatlong araw lang ang pahinga mo lampas doon, parang kasalanan mo pa. Kahit batas ang nagsasabing may karapatan ka, sa realidad, parang ikaw pa ang may utang.

Ito ang klase ng sistemang tahimik na pumapatay hindi agad, pero paunti-unti. Hindi lang katawan ang nauubos, pati dignidad.

Kaya ‘wag tayong magpasilaw sa mga bituin na nakapaskil sa pinto. Dahil minsan, habang kumikinang ang pangalan sa labas, may mga taong unti-unting nilalamon ng dilim sa loob.

Hindi ito simpleng reklamo. Ito ay sigaw.

Sigaw ng mga manggagawang pagod na, pero hindi pa rin nakikita. Sigaw ng mga taong hindi humihingi ng sobra kundi kung ano lang ang tama.

Dahil walang kahit anong “star” ang dapat mas mahalaga kaysa sa karapatan ng tao.

SOSYAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with