Sobrang bayarin sa graduation rites, pahirap; CHED gising!
Apektado ang buong mundo sa malakihan at linggo-linggong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng umaatikabong bombahan sa Gitnang Silangan.
Bagama’t tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng lingguhang big-time oil price hike, hindi pa rin maikakaila ang unti-unting paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin at sa enerhiya.
Umaaray ang mga motorista lalo na ang mga tsuper ng mga public utility vehicles (PUVs) dahil sa taas-presyo ng petrolyo. Pero pasalamat na rin tayo at nabigyan sila ng P5,000 cash na subsidiya ng pamahalaan mula sa DSWD kasabay ng pagkansela sa pagpapatupad ng P1 taas-pasahe.
Sa kabila ng nararanasang krisis, may mga pasaway pa rin na hindi tumatalima sa panawagan ng gobyerno. Kabilang na rito ang mga paaralan na walang pakundangan kung maningil na may pananakot pa sa mga estudyante.
Nitong Marso 17, inanunsyo ng Malacañang na mahigpit na ipinagbabawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paniningil sa mga mag-aaral ng mga bayarin at kontribusyon ngayong panahon ng graduation.
Para naman sa mga institusyon na nasa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED), bagama’t pribado, tila bulag at bingi ang mga ito sa kautusan ng Punong Ehekutibo.
Gaya na lang sa St. Paul Colleges Foundation Inc.-Paniqui, Tarlac. Tig-P5,000 umano ang sinisingil sa bawat estudyante bilang “graduation fees”, na hindi umano dumaan sa konsultasyon mula sa mga nagigipit na mga magulang.
Ilang dekada ang nakalilipas, naglabas na ng polisiya ang CHED sa mga ganitong uri ng paniningil na dapat ay nakakagaan sa mga estudyante at mga magulang. Dapat itong silipin ng CHED.
Giit ng mga estudyante, pinagbabayad umano sila ng tig-P5,000 para sa graduation fees. Ang hindi agad makapagbigay ng P2,500 downpayment ay itsapwera raw sa pictorial. “No payment, no pictorial”, ika nga.
Sa P5K na hinihingi kada graduating student, bayad umano nila ito para lang sa “venue”, “sound system” at “LED wall na may live feed”.
Kung susumahin halimbawa sa 300 ga-graduate, P1,500,000 (P5,000 x 300 students) ang koleksyon. “Tiba-tiba”!
Bukod sa tuition fees, sinisingil pa umano sila ng P1,250 kada buwan para sa isang pribadong review center na isinama sa kanilang “Revalida” na dapat ding silipin ng CHED.
Itinakda ang graduation rites ng SPCFI sa Abril 28, 2026 sa Eduardo Cojuangco Jr. Gymnasium na karaniwang ginagamit ng lokal na pamahalaan sa Paniqui, Tarlac.
- Latest

















