^

PSN Opinyon

Editoryal — Kapabayaan

Pilipino Star Ngayon

ISANG Grade 4 pupil sa Trece Martires City, Cavite ang namatay matapos ang routine de­worming activity sa kanilang paaralan. Ayon sa report, isinagawa ang deworming noong Hulyo 2 sa Hugo Perez Elementary School-An­nex, sa koordinasyon ng City Health Office. Kinabukasan, naospital ang bata matapos maka­ranas ng pagsusuka. Namatay ito noong Hulyo 3.

Ayon sa Department of Education, batay sa initial medical findings, ang pagkamatay ng bata ay may kaugnayan sa infection na humantong sa septic shock. Ibig sabihin, hindi pa dapat mag­­labas ng padalus-dalos na hatol na ang de­worming medicine mismo ang direktang da­hilan ng pagkamatay. Nariyan ang autopsy at imbes­tigasyon para linawin ang totoong nangyari. Kapag bata ang namatay matapos ang isang school health activity, karapatan ng pamilya ang buong katotohanan. Karapatan nilang ma­laman kung ano ang ibinigay, gaano karami ang dose, sino ang nagbigay, may health personnel ba at may tamang monitoring ba. Kung may pagkukulang, dapat may managot. Kung wala, ipaliwanag sa publiko.

Hindi dapat gawing kalaban ang deworming­. Mahalaga ang ganitong programa, lalo na sa mga batang lantad sa bulate, malnutrisyon, at kakulangan ng tamang sanitasyon. Maraming­ pamilya ang nakikinabang sa libreng health programs sa paaralan. Pero dahil gamot ito na ibi­nibigay sa mga bata, hindi puwedeng maging­ kampante ang mga awtoridad. Dapat malinaw ang consent ng magulang. Hindi sapat na may pinapirmahang waiver kung hindi naman malinaw sa magulang kung kailan ibibigay ang gamot, ano ang posibleng side effects, at ano ang dapat gawin kapag sumama ang paki­ram­dam ng bata. Ang consent ay hindi basta pirma sa papel. Dapat ito ay may paliwanag, petsa, detalye, at tunay na pag-unawa.

Nasa alaala pa rin ng marami ang kontrober­siya sa Dengvaxia noong 2017, kung saan ang takot, kakulangan sa paliwanag ay nag-iwan ng malalim na epekto sa mga health program para sa mga bata. Hindi pareho ang kasong iyon at ang nangyari sa Cavite, pero pareho silang pa­alala: kapag bata ang kasali sa public health program, hindi sapat ang mabuting layunin. Ka­­ilangan ng malinaw na impormasyon, ma­ayos na consent, mabilis na aksyon, at pananagutang nakikita ng publiko.

May isa pang mahalagang tanong: sapat ba ang health personnel sa mga paaralan? Kung kulang ang nurses, doctors, at trained health workers, sa mga ganitong aktibidad napipilitan­ ang mga guro na humawak ng trabahong hindi naman dapat sa kanila ibinabagsak. Ang pagbibigay ng gamot, pagbabantay sa adverse reaction, at pagresponde sa emergency ay dapat may supervision ng health professionals.

Kaya dapat repasuhin ng DepEd ang health and safety protocols nito. Pero hindi dapat maging press release lang ang tugon na ito. Dapat may malinaw na pagbabago: mas ma­ayos na parental consent, screening bago bigyan ng gamot, presensiya ng health personnel, ma­bilis na emergency response, at malinaw na accountability kapag may nangyaring mali. Ang public health program ay nakasalalay sa tiwala. Kapag nawala ang tiwala, pagdududahan ang programa.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with