‘Talon-papel, Laglag-buwis’
SA bodega, hindi lang kargamento ang gumagalaw pati konsensya, tila matagal nang na-stock out.
Sa Paircargo warehouse, diumano’y may sariling “laro” ang ilang broker, importer, at mga opisyal na dapat sana’y bantay ng bayan. Ang tawag nila rito? Diskarte. Ang tawag ng batas? Pandaraya.
Simple ang galawan pero malaki ang tama: formal entry na dapat ay dumaan sa tamang proseso, biglang “tatalon” papuntang informal entry. Isang pirma dito, isang kumpas doon—at parang magic, lumiit ang buwis. Minsan, halos naglaho pa.
Hindi ito simpleng aberya sa papel. Ito ay planadong misdeclaration at garapalang undervaluation. Sa madaling salita, niloloko ang gobyerno—at kasama tayong lahat doon.
Pero huwag na tayong magpaka-inosente. Hindi uusad ang ganitong kalakaran kung walang “nakapwesto” na pumapayag. May mga nakaupo, naghihintay, hindi ng solusyon—kundi ng signal. Isang kindat, isang tawag, at alam na ang susunod: lusot ang kargamento, tikom ang bibig.
Habang ang ordinaryong negosyante ay halos malunod sa tamang buwis, may iilan namang kayang “magpagaan” ng papeles basta marunong makisabay sa agos. Hindi patas. Hindi tama. At lalong hindi dapat kinukunsinti.
Ang tunay na tanong: sino ang may lakas ng loob na kumalas sa ganitong sistema? Sino ang handang sumalungat, hindi para sa palabas, kundi para sa tunay na paglilinis?
Dahil kung magpapatuloy ang “talon-papel” na ito, siguradong “laglag-buwis” ang bayan at ang talo, gaya ng dati, ay ang Pilipino.
Panahon nang may managot. Hindi sa salita kundi sa gawa.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon na nakabatay sa mga ulat at obserbasyong may kaugnayan sa usapin ng adwana. Hindi ito direktang paratang laban sa sinumang indibidwal o ahensya, kundi panawagan para sa transparency, accountability, at masusing imbestigasyon kung kinakailangan. Anumang pagkilos ay nararapat na idaan sa tamang proseso at batay sa ebidensya.
- Latest




















