EDITORYAL - Daming Pinoy magiging jobless
AYON sa Philippine Statistics Authority (PSA), tatlong milyong Pilipino ang walang trabaho noong Enero 2026. Ngayong Marso, nadagdagan pa ang mga jobless sapagkat pumalo sa 5.8 percent ang walang trabaho. Tiyak na darami pa ang mga walang trabaho ngayong may krisis sa langis dahil sa hindi humuhupang giyera sa Middle East. Sinalakay ng United States at Israel ang Iran noong Pebrero 28, 2026. Simula noon, tumaas ang presyo ng petroleum products at apektado ang mundo. Mas naramdaman ng mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas ang krisis sa langis. Kapag tumagal ang giyera, kawawa ang Pilipinas na lalong marami ang mawawalan ng trabaho. Kapag lalong tumaas ang presyo ng gasoline at diesel, mapipilitang mag-laid off ng mga manggagawa. Walang magagawa ang mga employer kundi magbawas para maipagpatuloy ang operasyon.
Kaya inaasahan na darami pa ang mga walang trabaho ngayong hindi humuhupa ang labanan sa Middle East. Nagbanta ang Iran na tatargetin nila ang mga bansa na may embahada ng US. Ginawa na nila ito noong nakaraang linggo sa Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Subalit may mga magagawa namang paraan ang pamahalaan para mapigilan ang pagdami ng mga Pilipinong walang trabaho. Maari namang tutukan ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura na maraming panggagalingan ng trabaho. Hindi mawawalan ng trabaho ang mga Pilipino kung ang sector ng agrikultura ang pagyayamanin. Dito nanggagaling ang pagkain kaya patuloy ang trabaho. Laging may hanapbuhay ang nasa sector ng agrikukultura.
Dapat maisaprayoridad ang sector ng agrikultura. Ito ang nararapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan. Agrikultural na bansa ang Pilipinas kaya hindi katanggap-tanggap na marami ang walang trabaho. Sa Japan at Thailand, walang mahirap na magsasaka. Maunlad ang kanilang sakahan. Prayoridad sa mga bansang nabanggit ang sector ng agrikultura kaya marami silang ani at nakapag-eeksport ng bigas katulad din ng China, Vietnam at India. Binubuhusan ng suporta ang mga magsasaka kaya maraming ani.
Sa mga talumpati ni President Ferdinand Marcos Jr. lagi niyang sinasabi na makakamit ng bansa ang food self sufficiency at babawasan din daw ang pag-import ng pagkain. Sabi niya ang pagpaparami ng pagkain ang nararapat sapagkat ito ang kailangan ng mamamayan. Ito umano ng kanyang administrasyon. Dalawang taon na lang ang natitira sa kanyang panunungkulan subalit ang food self sufficiency na kanyang pinangako ay hindi naisasakatuparan.
Hindi rin makapag-produce ng trabaho ang sector ng agrikultura na dapat ay nangunguna sapagkat dito nanggagaling ang pagkain. Walang magiging jobless kung tinutukan ang agri sector.
- Latest
















