EDITORYAL - Trahedya sa eskuwelahan
BAGO pa magsimula ang klase sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes, naganap dito ang karumal-dumal na trahedya.AGO pa magsimula ang klase sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes, naganap dito ang karumal-dumal na trahedya. Tatlong estudyante ang namatay at pito ang sugatan dahil sa pamamaril. Marami ang nagulantang sa balita. Ngunit higit pa sa biglang pagputok ng mga armas, ang insidenteng ito ay nagpakita nang malinaw na katotohanan: nabigo ang mga kinauukulan na protektahan ang mga kabataan.
Napag-alaman na ang mga armas na ginamit ay isang Glock pistol at isang .38 revolver. Ang mga ito ay pag-aari ng mga institusyong dapat ay nagtitiyak ng seguridad at kaayusan.
Paano naipasok ang mga baril na ito sa loob ng paaralan? Sa kabila ng mga direktiba ng DepEd na magpatupad ng mas mahigpit na bag inspections at security protocols, malinaw na may malaking butas sa pagpapatupad ng seguridad.
Ang insidente ay hindi lamang isyu ng bullying na nauwi sa karahasan, kundi isang trahedya ng kapabayaan ng mga matatanda. Ang pagpasok ng isang outsider na armado sa loob ng campus, habang ang isa pang suspek ay kapwa estudyante, ay patunay na ang mga paaralan ay unti-unti nang nawawalan ng proteksiyon.
Ang krimen ay naganap habang ang PNP ay patuloy na binabatikos sa pagluwag ng regulasyon sa pag-aari ng mga semi-automatic rifles para sa mga sibilyan, ang trahedya sa Tacloban ang nagsisilbing mapait na paalala: hindi ligtas ang isang lipunang sandamakmak ang armas.
Binibigyang-diin ng Gunless Society of the Philippines at ilang mga senador na ang pagdami ng baril ay hindi katumbas ng kaligtasan. Sa halip na maghikayat ng “responsible gun ownership” sa gitna ng libu-libong gun-related violence kada taon, dapat itanong: nasaan ang accountability? Paano napasakamay ng mga menor de edad ang mga baril?
Hindi dapat magtapos ang usaping ito sa pagpapadala ng psychosocial support o sa pagkondena ng DepEd. Ang panawagan para sa hustisya ng mga biktima sa Tacloban ay panawagan din para sa isang seryosong pagrerebisa sa gun control. Ang paaralan ay dapat na maging santuwaryo ng karunungan at pag-asa, hindi isang lugar kung saan ang mga bata ay nangangamba sa bawat kalabit ng gatilyo.
Panahon na upang itigil ang pagluluwag sa pag-aari ng mga armas. Panahon na para panagutin ang mga kapabayaan sa pag-iingat ng mga kagamitang pumatay. Kung hindi kayang siguraduhin ang kaligtasan ng mga bata sa silid-aralan, anong kinabukasan pa ang inaasahan?
- Latest
















