^

PSN Opinyon

ICI: Magsasara parang naluging karinderya

BARDAGULAN - Ronald Llamas - Pilipino Star Ngayon

Ititiklop na raw ngayong katapusan ng Marso ang Inde­pendent Commission for Infrastructure (ICI). Ayon kay Andy Reyes, ang naiwang commissioner ng komisyon, na­gampanan na raw nila ang kanilang “layunin.”

Talaga ba?

Ayon kay Reyes, isusumite na raw nila ang kanilang report sa Office of the Ombudsman at Department of Justice. Sa lagpas animnapung personalidad na kanilang inusisa, siyam ang kanilang irerekomenda na sampahan ng kaso.

Ano raw? Siyam lang?

Kabaligtaran ito ng dati nilang pahayag na marami raw sa mga sangkot ang mapaparusahan. Sa lawak ng korap­syon, sa rami ng substandard at ghost infrastructure pro­jects, at sa bilyon-bilyong pisong ninakaw sa kaban ng bayan, imposible na siyam lang ang sangkot.

Kaya hindi nakapagtataka na mabilis na sinalubong ng batikos ang planong pagsasara ng ICI. Ayon kay Akbayan President Rafaela David, magsasara na ang ICI pero ang mga malalaking isda ay patuloy pa rin na lumalangoy nang malaya. Samantala, ayon kay Rep. Leila de Lima, sa hinaba-haba ng prosisyon, sa pagsasara rin pala ang hantong ng ICI.

Sa totoo lang, wala namang problema kung ititiklop na ng ICI ang imbestigasyon kung nagawa nito nang tama ang trabaho. Pero kabaligtaran ang nangyari. Nangako nang bongga, pero napakaliit ng ipinakitang resulta. Ang lakas ng dating ng pagbubukas ng ICI, pero isasara na parang naluging karinderya.

May pundamental na kahinaan ang ICI. Bukod sa wala itong sapat na pondo, ang kapangyarihan nito ay limitado sa fact-finding. Kaya hindi nakapagtataka ang pagre-resign nina dating DPWH Secretary Babes Singson at Rossana Fajardo bilang ICI commissioners. Mawawalan ka talaga ng gana.

Kaya naman isinusulong ni Rep. De Lima ang pagsasabatas ng isang permanenteng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) na may sapat na batas at malawak na kapangyarihan. Nailista ito bilang isa sa mga priority bills ng Presidente. Pero hanggang ngayon, ito ay nakatengga.

Ang bola ngayon ay nasa Ombudsman at DOJ. Hindi nila dapat ulitin ang pagkukulang ng ICI. Kung saan nagkulang ang ICI, kailangan nilang punuan ito. Lahat ng malalaking isdang sangkot sa korapsyon ay dapat kasuhan, arestuhin at ikulong. Dapat bawiin din ang lahat ng ninakaw.

Inip na inip at galit na galit na ang mamamayan. Panahon na para pawiin ang uhaw nila sa katarungan.

ICI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with