‘Ugat ng pagbaha sa Cebu, samu’t-sari’
ANG malawakang pagbaha sa Cebu noong kasagsagan ng bagyong Tino ay nagdulot ng takot, pinsala, at galit sa mga Cebuano.
Maraming kalsada ang naging ilog at daan-daang pamilya ang napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan.
Sa bawat ganitong sakuna, mabilis ang publiko na maghanap ng masisisi—mga developer, lokal na opisyal, o ang mismong pamahalaan ng lungsod.
Ngunit ipinakita ng pag-aaral ng University of the Philippines na mas malalim at mas seryoso ang ugat ng problema. Ayon sa pananaliksik ng UP Institute of Environmental Science and Meteorology (UP IESM), ang pangunahing dahilan ng matinding pagbaha ay ang hindi pangkaraniwang lakas ng ulan na dala ng bagyo. Sa loob lamang ng 24 oras, umabot sa 428 milimetro ang naitalang ulan sa Metro Cebu— dami na halos hindi na kayang tanggapin ng lupa, mga ilog, at drainage system ng naturang lungsod.
Ipinaliwanag ng mga siyentista na kahit gaano pa kahusay ang imprastraktura, may hangganan ang kakayahan nitong pigilan ang tubig kapag ganito kalakas ang buhos ng ulan. Ang lupa ay parang espongha na sumisipsip ng tubig, ngunit kapag ito ay puno na o “saturated,” wala na itong kakayahang sumipsip pa.
Sa ganitong sitwasyon, ang tubig-ulan ay diretso nang dumadaloy sa ibabaw ng lupa patungo sa mga kalsada at komunidad. Ibig sabihin, kapag sukdulan ang ulan, kahit ang kalikasan ay nahihirapan na ring pigilan ang pagbaha.
Gayunman, hindi rin maaaring balewalain ang papel ng urbanisasyon. Sa mga nakalipas na dekada, patuloy na lumiit ang mga berdeng espasyo habang dumarami ang konkretong gusali at sementadong kalsada. Kapag mas maraming semento, mas mabilis ang daloy ng tubig-ulan. Kahit may mga proyektong tulad ng detention ponds sa Monterrazas de Cebu na nakatutulong upang pabagalin ang agos ng tubig, hindi nito lubusang masasagot ang problema kung patuloy ang walang planong pagpapalawak ng lungsod.
Malinaw na habang lumalala ang epekto ng climate change, kailangang maging mas responsable ang mga lungsod sa urban planning, pangangalaga sa watershed, at maingat na paggamit ng lupa.
Dahil bagama’t ang kalikasan ang nagdadala ng ulan, ang kapabayaan ng tao ang madalas na nagpapalala ng sakuna.
—
Para sa komento: [email protected]
- Latest


















