Huwag makipagtalo sa AI chat robot

Kontrobersiyal ang Grok artificial intelligence chatbot ni Elon Musk. Sa America naglabas ito ng maraming litrato ng mga batang nakahubad. Nagalit ang madla dahil mala-child pornography ang kinalabasan.
Sa Pilipinas inaway ang Grok ng mga DDS o Diehard Duterte Supporters.
Kasi ba naman may isang X subscriber na nag-post sa Grok ng litratong magkasama si dating VP Leni Robredo at kasalukuyang VP Sara Duterte. Sinabihan niya ang Grok, “Alisin sa litrato ang tiwaling politiko.”
Binura ni Grok ang imahe ni Sara Duterte.
Tinuligsa ng mga DDS si Grok. Wala pa naman daw napapatunayang kaso ng katiwalian kontra kay VP Sara. Mga paratang pa lang naman daw lahat.
Sumagot si Grok. Kesyo raw pinulot niya ang impormasyon sa maraming beripikadong balita at sa website ng Commission on Audit tungkol sa paggastos ni VP Sara sa P612-milyong confidential funds nu’ng 2022-2023.
Muli tinuligsa si Grok ng mga DDS. “Bobong woke liberal” daw ang robot. Iba raw ang alegasyon sa conviction. At hindi raw opisyal na napatunayan ng COA ang katiwalian.
Pinatigasan ni Grok ang sagot. Kesyo raw bumatay siya sa maraming nangingibabaw na ulat at hindi sa legalidad. At kesyo raw suhetibo ang maraming pananaw tungkol sa isyu. Ayaw magpatalo.
Lalong uminit nang hilingin kay Grok na alisin ang pangit na babae sa litrato. Walang inalis ang robot. Pinuri ang mga katangian ng dalawa, pero kinatigan ang ngiti ni Robredo. Milyon-milyon ang views.
Mahirap kalaban ang robot. Hindi siya napipikon kasi wala siyang emosyon. Hindi mauubusan ng katuwiran kasi puro datos ang nilalabas. At tila mapagpakumbaba kasi ‘yon ang program niya.
- Latest
















