Gen. Mendez, nag-warning vs mga tiwaling pulis sa Central Luzon!
MAY warning ang bagong director ng Central Luzon police na si Brig. Gen. Jess Mendez sa mga tiwaling pulis, lalo na ‘yaong sangkot sa illegal manufacture at cigarette smuggling. “Uubusin ko kayo,” ang pagbabanta ni Mendez. Araguyyy! Nasa kainitan na ng kampanya ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. laban sa pagawaan at pagpalaganap ng ismagel na sigarilyo.
Sa kasamaang palad, marami sa pagawaan ng sigarilyo ay nasa Pampanga, na saklaw ni Mendez. Masabing parang partner na ni Nartatez itong si Mendez dahil magkasama sila kahit saan mapuwesto si PNP chief. Eh di wow! Kaya naman malaki ang tiwala ni Nartatez kay Mendez na ipagtaguyod n’ya maigting na paglilinis ng hanay ng PRO3, at tamaan ang dapat tamaan. Hindi lang naman pagawaan at cigarette smuggling ang hahabulin ni Mendez kundi maging ‘yaong sangkot sa loose firearms, illegal gambling at illegal drugs. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Pinalitan ni Mendez si Brig. Gen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones Jr., na nahirang namang bagong hepe ng PNP Directorate for Operations sa Camp Crame. Ang ibig sabihin, nakalinya na maging 2-star general si Peñones. Sa kanyang assumption message nitong Martes, sinabi ni Mendez na ipagpatuloy n’ya ang peace and order efforts ni Peñones sa buong Centtal Luzon.
Ayon kay Mendez ang kanyang liderato ay papaikot sa integridad, transparency, courage at accountability, at ang mga ito ay alinsunod sa judicious law enforcement actions sa ilalim ng PNP Focused Agenda. Maliban sa internal cleansing, sisiguruhin din ni Mendez na ang kanyang mga tauhan ay disiplinado upang mapanatiling mataas ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan. Aniya, ang PRO3 ay susulong paitaas sa banner ng “Pulis Central Luzon” na nagdedeliber ng “Serbisyong Tapat, Mabilis at Nararamdaman”- firm in operations, fair in actions, and responsive to the needs of the community.” Wow na wow! Saan ka pa?
Kung sabagay, sa pag-upo n’ya sa trono ng PRO3, bitbit ni Mendez ang malalim na eksperyensiya sa intelligence at operations. Naging acting provincial director s’ya ng Nueva Ecija police, kung saan angat ang kanyang accomplishments sa anti-criminality campaign. Dahil sa puwesto n’ya sa Nueva Ecija, halos familiar na si Mendez sa kapaligiran ng Central Luzon. Gets n’yo mga kosa? Hindi lang ‘yan! Matagal na nagsama sina Mendez at Nartatez sa NCRPO, kung saan ang una ay ang intelligence chief. Maging sa paghirang kay Nartatez bilang PNP chief, si Mendez ang napiling Senior Executive Assistant, kung saan ang trabaho n’ya ay ang magdirekta ng suporta sa strategic coordination, policy implementation at operational oversight. Mismooooo! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Kaya buong-buo ang tiwala ni Nartatez kay Mendez na tinawag n’yang partner n’ya sa lahat ng bagay. Ayon kay Nartatez, everything na iniutos n’ya kay Mendez ay natugunan naman. “I trust this guy,” aniya. Kaya’t sa mga tiwaling pulis d’yan sa Central Luzon, magbago na kayo. Kapag hinagupit kayo ni Mendez, tiyak mamalasin kayo. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito! Abangan!
- Latest
















