EDITORYAL - Nakababahala: Daming bata na hindi marunong bumasa

SINABI ni Sen. Robin Padilla noong Miyerkules na ang mga kabataan daw ngayon ay “weak”. Mahina. Iyakin. Hindi raw katulad ng mga batang 80s at 90s na natuto sa kalsada. Sinabi ito ni Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on public information and mass media na kanyang pinamumunuan.
Noon daw kanyang kapanahunan ay hindi alam ang salitang depression. Hindi rin daw niya alam iyon. Ngayon daw ay nagiging adik daw sa social media ang mga kabataan ngayon. Kaya dapat daw iregulate ang paggamit. Sabi ni Padilla, tiyak daw na marami ang magagalit sa kanya dahil sa sinabi niya na “weak” ang mga kabataan ngayon.
Bagama’t may punto si Padilla lalo na sa pagkagumon ng kabataan sa paggamit ng social media, dapat nahalungkat din niya ang bumabang learning skills at proficiency rates ng mga mag-aaral. Sa kabila na maraming kabataan ang nakatutok sa social media, marami rin ang mga estudyante na salat pa sa kaalaman.
Natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) noong nakaraang Enero 18, 2025 na 70 percent ng Grade 3 pupils ang hindi marunong bumasa. Natuklasan din na bumaba sa 19.56 percent ang proficiency sa ginawang 2024 National Achievement Test sa Grade 6 pupils. Ayon pa rin sa Edcom, 1.36 percent lamang ang may “at least proficient” sa Grade 10, at 0.4 percent lamang sa Grade 12, ang may kasanayan sa problem solving, pag-analyze at pag-evaluate ng data para makapag-formulate ng ideas.
Nakababahala ang problemang ito. Kung hindi maiaangat ang kalidad ng edukasyon sa mga bata, ano ang kahaharapin ng bansa. Maraming mangmang. Marami ang walang alam. Simpleng katanungan sa kasaysayan ng Pilipinas ay hindi masagot. Simpleng tanong sa Math ay hindi masagot. Pati ang equivalent sa English ng simpleng Tagalog word, hindi rin alam.
Ang kahinaan ng mga estudyante ay minsan na ring tinalakay ng Philippine Statistics Authority (PSA) nang dumalo sa hearing ng Senado noong 2025. Ayon sa PSA, 18 milyon na senior at junior high school students na nag-graduate noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng kanilang binasa.
Mariing sinabi ng PSA na may mali sa sistemang ipinatutupad sa DepEd.
Malaki ang budget ng DepEd ngayong 2026. Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na magha-hire daw ng mga tutor upang makahabol sa aralin ang mga estudyante.
Sana makatulong si Padilla sa pag-angat ng kaalaman ng mga estudyante. Hindi lamang ang pagiging “weak” ang tutukan kundi pati na rin ang kaalaman na magagamit sa kanilang hinaharap. Kung matatalino ang mga kabataan, magiging matalino rin silang botante.
- Latest
















