Top 10 most wanted sa Central Luzon, nalipol ni Peñones!
FLASH report: Lima pala ang bodega ng “paihi” ni Medick Ferrer sa Calabarzon subalit apat lang ang patuloy ang operation. Sinabi ng mga kosa ko na hindi pinayagan ng mayor at Chief of police si Medick Ferrer na mag-operate sa Taal, Batangas. Nagpasa kasi ng resolution ang municipal council kontra dito kaya’t goodbye na lang sa “paihi” ni Medick Ferrer sa bayan ng Taal. Ang apat na “paihi” operations ni Medick Ferrer, na hindi ginagalaw ng pulisya, ay nasa Guinhawa sa Tuy at sa By Pass, Candelaria at Tayabas sa Quezon. Tsk tsk tsk! Bukambibig sa ngayon ni Medick Ferrer ay ang pangalan ni Sgt. Paquito Chan, ang winning bidder.
••••••
Walang patid ang manhunt at law enforcement operations sa Central Luzon ng mga tauhan ni PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones Jr. kaya’t nalipol nila, sa loob ng 11 araw, ang lahat ng most wanted na kriminal sa kanilang hurisdiksiyon. “Tuluy-tuloy ang PRO3 sa paghabol sa mga kriminal. Hangga’t may lumalabag sa batas, hindi kami titigil. Serbisyo muna bago lahat,” ayon kay Peñones. Mula katapusang linggo ng Setyembre, sinuyod ng mga operatiba ng PRO3 ang mga lungga ng most wanted criminals at nabitag ang 10 Most Wanted Persons, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad.
Ang panibagong panalo ng PRO3 ay patunay ng tibay, malasakit, at propesyonalismo ng mga pulis sa rehiyon — alinsunod sa panawagan ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.” Ang kanilang tagumpay, ayon kay Peñones, ay bunga ng bisa ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng Focused Agenda ni Acting PNP chief, Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr., na nakatuon sa intelligence-driven policing at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad. Anong sey n’yo mga kosa?
Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Nagbabanta si Peñones na walang puwang sa Central Luzon ang mga kriminal at nangako s’yang lilipulin n’ya ang mga ito upang maging ligtas ang kalsada para sa sambayanan na sumusunod sa batas. Ang mga kriminal na naitapon ni Peñones sa likod ng rehas na bakal ay ‘yaong may kasong murder, rape, robbery at paglabag sa Dangerous Drugs Act. Ayon kay PRO3 director ang mga operations ay isinagawa sa tulong ng masinsinang intelligence sharing, malapitang koordinasyon at agresibong manhunt operations.
Kaya sa mga nagtatago sa batas, hindi kayo ligtas sa Central Luzon dahil tuloy-tuloy lang ang paghabol sa inyo ng mga operating units ng PRO3. Dipugaaa! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ang pinakamalaking puntos sa anti-crime operations ay naitala ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) matapos nitong masakote ang Top 1 hanggang Top 3 Regional Most Wanted Persons sa magkakahiwalay na operasyon na tinaguriang mabilis, tahimik, at eksakto sa target. Sanamagan! “Hindi lang ito operasyon — ito ay pruweba ng disiplina at pagkakaisa ng Team PRO3. Walang makakatakas sa batas. Kung nagtatago ka, oras mo na,” ani Peñones.
Pinuri ng heneral ang Regional Intelligence Division–Special Operations Group, Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3), at lahat ng Provincial at City Police Offices sa kanilang sabayang kilos at matalas na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng mga high-value fugitives. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Abangan!
- Latest




















