Senyales ng menopause
Ang menopause ay permanenteng pagtatapos ng regla at fertility. Masasabing menopause ang babae kapag 12 buwan na nakalipas mula sa huling araw ng regla.
Sa ibang kababaihan nangyayari ang menopause sa edad na 30s o 40s, habang sa iba naman ay 50s o 60s.
Ang menopause ay natural na proseso at hindi sakit. Ngunit ang pisikal at emosyonal na sintomas ng menopause ay maaaring makagambala sa iyong pagtulog, makapagpahina, at magdulot ng kalungkutan.
Hindi ibig sabihin at menopause na ay mababawasan ang iyong pagkababae at sekswalidad. Sa katunayan, maaari maging isa ka sa mga babaeng puwedeng mag-enjoy ng pagtatalik na walang inaalala na baka mabuntis pa. Karamihan sa senyales at sintomas ng menopause ay panandalian lamang.
Narito ang mga payo:
1. Kumain ng sapat – Kailangang kumain ng kumpleto kabilang na ang mga prutas, gulay, at buong butil o whole grains at limitahan ang pagkain ng mga taba, mamantika at matatamis. Kabilang dito ang pag-take ng calcium at vitamin D galing sa pagkain o tableta kada araw.
2. Magkaroon ng maayos na tulog – Iwasan ang uminom ng kape sa gabi.
3. Mag-ehersisyo araw-araw – Maglaan ng 30 minuto na katamtaman bigat ng mga gawain lalo na sa umaga para makatulong laban sa pagtanda. Makatutulong din ito sa pagbawas ng timbang at stress.
4. Masakit na pagtatalik – Kung mayroong panunuyo sa puwerta o makaramdam ng sakit habang nagtatalik, gumamit ng over-the-counter na water-based lubricants (tulad ng KY Jelly). Makatutulong din kung aktibo ka pa rin sa pagtatalik.
5. Hot flashes o mainit na pakiramdam – Subukang mag-ehersisyo. Alamin kung ano ang nagpa-trigger sa hot flashes, maaaring kabilang dito ang mainit na inumin, maanghang na pagkain, alak, mainit na panahon at lugar.
6. Kumain ng soya tulad ng soy milk at tokwa – Ang soya ay karaniwang pinagkukunan ng isoflavones, isang compound na maaaring makatulong sa hot flashes. Kung may kanser sa suso, kausapin ang iyong doktor bago kumain nito.
7. Mag-practice na mag-relax. Ang mga technique gaya nang malalim na paghinga, guided imagery (pag-isip ng magagandang bagay at lugar), yoga, at meditation ay makatutulong sa na makaya ang pabagu-bagong mood, stress at pagtulog.
8. Narito ang stages ng menopause:
1. Peri-menopause – Magsisimulang maranasan ang sintomas ng menopause kahit na kasalukuyan pang nireregla. Ang antas ng iyong hormone ay tumataas at bumababa ng hindi pantay, at makararanas ng hot flashes at iba pang sintomas. Ito ay tumatagal ng apat hanggang limang taon o higit pa. Sa panahong ito, maaari ka pa ring mabuntis.
2. Post-menopause – Kapag umabot na sa 12 buwan mula noong ikaw ay huling mag-regla, ibig sabihin nito ay menopause na. Sa panahon ng post-menopausal at sa mga susunod na panahon, ang iyong obaryo ay mahina nang gumawa ng sex hormones at hindi na magpapalabas ng itlog. Kaya hindi ka na mabubuntis.
- Latest















