EDITORYAL – Linisin ang Kamara

ILANG araw matapos sabihin ni President Ferdinand Marcos Jr. na walang sasantuhin sa pag-iimbestiga ang itinatag niyang Independent Commission for Infrastructure (ICI), nagbitiw si House Speaker Martin Romualdez. Bago ang pagbibitiw ni Romualdez, umugong na nag-usap ito at ang Presidente sa Malacañang. Ang pagbibitiw ni Romualdez ay naganap habang mainit na pinag-uusapan ang anomalya sa flood control projects. Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado at ang Kamara sa bilyun-bilyong pisong pondo na nakurakot sa pakikipagkutsabahan ng mga pribadong contractor sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nang imbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” Discaya II at Cezarah “Sarah” Discaya sa Senate hearing noong Sept. 8 binanggit ng mga ito ang maraming kongresista na nakatanggap ng kickback at isa sa kanilang binanggit si Romualdez. Nilinaw naman ni Curlee sa House hearing na wala siyang direktang transaksiyon kay Romualdez at sa mga kaalyado nito.
Pumalit kay Romualdez si Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III, na nahalal sa botong 253 at 28 abstentions. Si Dy ay kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas. Sa pamamaalam na talumpati ni Romualdez, sinabi niya: “The controversies raised questions that weigh not only upon me, but upon this institution we all serve. Our countrymen are yearning for clarity, and above all, trust. It is our duty to restore this. The longer I stay, the heavier that burden grows—on me, on this House, and on the president I have always sought to support. And so, after deep reflection and prayer, I have made a decision. Today, with a full heart and a clear conscience, I tender my resignation as speaker of the House of Representatives.”
Nadungisan na ang Kamara. Ito ang tiyak. At ang magandang magagawa ni bagong Speaker DY ay ibalik ang namantsahang imahe ng pinamumunuang Kamara. Magsagawa ng mga reporma para maibalik ang pagtitiwala ng mamamayan.
Sa nangyayari ngayong lumalalim pa ang mga imbestigasyon sa flood control projects at maraming kongresista ang itinuturong nakinabang ng bilyun-bilyong kickback, nararapat kumilos nang mabilis si Dy.
Isa sa dapat gawin niya ay pauwiin ang kontrobersiyal na si Ako Bikol party-list Rep. Zaldy Co na itinuturong nakatanggap nang malaking kickback sa flood control projects. Itinuturo rin siya ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel na nagpi-pressure sa kanya para mag-import ng isda para sa sarili nitong kompanya.
Kumbinsihin ni Dy si Co na umuwi at sagutin ang mga paratang. Iligtas ang House of Representatives sa pagkaparool at pagbagsak.
- Latest



















