Saltik ng katotohanan wagi ang bayan, okat ang mga korap
MATINDI ang hampas ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) nang bawiin ang lisensiya ng siyam na construction firms ni Sarah Discaya. Hindi ito basta technicality o papel na pirmahan lang ito’y sampal sa lahat nang nagtatangkang gawing negosyo ang kaban ng bayan.
Mismong PCAB ang nagsabi: may sabwatan, may daya, at malinaw ang pagsasamantala sa public bidding. Kung hindi ito pinutol, patuloy tayong pinaglalaruan ng mga ganid na parang laruan lang ang kaban ng bayan.
Ngunit huwag tayong magbulag-bulagan. Hindi lamang mga contractor ang dapat managot. Saan ba kumukuha ng lakas ng loob ang mga Discaya kundi sa mga opisyal ng gobyerno na nakikipagsabwatan, pumipikit, o tahasang kumakain ng parte sa nakaw?
Kung walang kasabwat sa loob, hindi lalaki ang impluwensiya ng iilang kompanya na halos sakupin ang bilyun-bilyong flood control projects. Ang tanong: handa ba ang gobyerno na ipitin din ang mga opisyal na ito, o hanggang contractor lang ang tapang nila?
Ito ang dapat makita ng sambayanan: ang laban na ito ay hindi lang kontra sa iisang pamilya ng kontraktor kundi laban sa mismong kultura ng pagkunsinti at pakikipagsabwatan.
Kung hindi sasama sa balag ng pananagutan ang mga opisyal na pumayag at nagpasasa, mananatiling hungkag ang mga reporma.
Kaya huwag tayong masiyahan sa headline lang. Ang tunay na panalo ay hindi lang pagkansela ng lisensiya kundi ang pagbagsak ng buong sindikato contractor man o opisyal ng gobyerno.
At kung ayaw ng mga nasa kapangyarihan na gumuho ang tiwala ng taumbayan, dapat nilang tandaan ito: ang kaban ng bayan ay hindi laruan, at ang pasensya ng sambayanan ay may hangganan. Kapag lumampas, mismong bayan ang gugupo sa kanila.
Ngayon, nasa taumbayan ang susi magbantay, magtanong, at mag-ingay. Sapagkat kung tayo’y tatahimik, sila’y muling magtatagumpay. At kung tayo’y lalaban, wala silang laban.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng manunulat at hindi awtomatikong sumasalamin sa opisyal na posisyon ng pahayagan.
- Latest















