BPI: Bureau of Presyong Itataas
KUNG akala ng ilan, simpleng rekisito lang ang SPS Import Clearance para sa bawang—mag-isip-isip tayo. Ang totoo, sa likod ng mga papel na ito, may nagaganap na panggigipit na posibleng magtulak pataas sa presyo ng isa sa pinakaimportanteng sangkap sa ating kusina. Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, noong nakaraang buwan isang lehitimong kompanya na matagal nang sumusunod sa lahat ng patakaran ay muling nag-apply para sa clearance. Pero ilang araw lang ang nakalipas isang malamig na “hindi” mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) ang natanggap nila. Ang dahilan? Hindi raw nila natugunan ang tinatawag na 90 percent utilization requirement.
Sa madaling salita, kailangan munang magamit ang 90 percent ng dati nilang clearance bago muling mabigyan. Ngunit malinaw na sinabi ng kompanya: halos lahat ng clearance ay nagamit na, at ang kakaunting natira ay dahil sa mga problemang wala sa kanilang kontrol, delayed na barko, siksikan sa pantalan, masamang panahon, at pagkansela ng biyahe.
Wala silang kasalanan dito. Mas nakakagulo pa, tila magkasalungat mismo ang patakaran ng BPI. Bakit? Kailangan daw dumating muna ang kargamento bago magbigay ng clearance. Pero para magbigay ng clearance, dapat nagamit na ang 90 percent ng dating clearance. Ano ‘to? Para kang sinabihan na sumakay sa jeep, pero bawal kang lumapit hangga’t hindi ka nakasakay. Isang malinaw na Catch-22 na pahirap hindi lang sa negosyante kundi sa sambayanang Pilipino.
At habang nagpapalitan ng email at “nasa review pa” ang BPI, lumilipas ang mga araw na walang malinaw na aksyon. Samantala, 90% ng suplay ng bawang ng bansa ay galing sa importasyon. Ibig sabihin, bawat araw ng pagkaantala ay nagbubunga ng kakulangan sa merkado at kasunod nito, pagtaas ng presyo.
Mula P92 kada kilo noong nakaraang mga araw biglang sumirit ang presyo ngayon. Kung magtutuluy-tuloy ito, baka abutin na ng Senado o Kongreso ang diskusyon. Pero bakit kailangan pang umabot sa ganitong antas bago kumilos ang ahensya? Nakasaad sa Citizen’s Charter ng BPI na dapat agad nilang aksyunan ang mga aplikasyon sa takdang panahon. Kapag nilabag ito, hindi lang ito simpleng kapabayaan ito ay isang uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan na direktang tumatama sa bulsa at hapag ng bawat Pilipino.
Kung ang red tape ay mas pinapahalagahan kaysa sa pagkain ng mamamayan, malinaw kung sino ang talo hindi mga opisyal na kumakapit sa patakaran, kundi tayong lahat na nagbabayad sa pataas na presyo sa palengke. Hindi puwedeng manahimik. Ang ganitong sistema ay parang bawang kapag pinisil, lumalabas ang tunay na amoy. At sa kasong ito, mabaho na ang umaalingasaw.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda at hindi sumasalamin sa opisyal na posisyon ng anumang institusyon.
- Latest


















