Utu-uto mentality
MASAKIT mang isipin, madaling mabola ng mga pulitikong kandidato ang mga botanteng Pilipino. Basta’t gumawa ng magagandang promesa sa kampanya ang kandidato at magaling ang bokadura, ito’y malamang iboto ng tao.
Basta’t mahusay magpatawa, kahit kabastusan ang joke ay papalakpakan pa. Madaling gumawa ng pangako, pero ang implementasyon kapag sila’y ibinoto na ay ibang usapan.
Halimbawa, kapag ang pulitiko ay nagsabing “ang minimum salary ay gagawin kong isandaang libong piso kada buwan,” malamang may mga maniniwala at iboboto siya.
May kandidato noon, at kilala n’yo na nagsabing “tatapusin ko ang problema sa droga sa loob ng anim na buwan.” Nang papatapos na ang termino ay umamin na hindi niya matatapos ang problema sa laki nito.
Ang pangakong gagawing 20 pesos ang kilo ng bigas ay ginagawang isyu laban sa ating Presidente Bongbong Marcos na nagsabi nito noong kumakampanya pa. Kaya bilang mga botante, kilatisin natin ang bawat political promise at tingnan ang mga ipinangangakong imposibleng gawin.
Ayon sa survey ng SWS, 92 percent ng mga Pilipino ang nagsabing iboboto nila ang may adbokasya sa trabaho, kalusugan at pagkain. Tama naman. Kaso, sino mang tumatakbo para sa political position ay maaaring mangako niyan.
Sana lang, ihalal natin sa midterm election ang mga kandidatong makatutupad sa kanilang magandang pangako.
- Latest